Nuffnang

Pages - Menu

Thursday, July 09, 2015

In Suspended Disbelief

Naniniwala ako dun sa sinasabi na walang tama o maling emosyon. Na nagiging tama o mali ka lang kapag sinabi o ginawa mo ang kung anumang karugtong ng nararamdaman mo kasi dadaloy ang salita o inasal sa patong patong at sanga-sangang embudo ng mga depinisyon.

Kaya naman maingat ako sa kahit anong lumalabas sa bibig ko. Ayokong bigyan ng lisensya ang kahit sino na ilagay ako sa timbangan. Hindi dahil mahalaga sa akin ang maging sakto o tama. Pakialam ko ba sa neknek mo diba? Basta ayoko lang nang tinitingnan ako.

Tapos ang pasakalye.

Kanina, kumawala sa bibig ko ang isang halimaw.

Inutusan kasi ako ni A na sabihin kay B na ibigay sa amin "now na!" ang C. Mahaba ang nakagigimbal na paliwanag kung bakit. So sinabi ko kay B at ang resulta ay sumagot siya ng pabalang. Na-bad trip at nag-alburoto si B. Bawi si A. Kulang na lang sabihing, joke lang yun ha. Ako ngayon ang mukhang tangang kontrabida. Tinanong ko si A kung may mali ba akong ginawa. Masyado ko raw tinaranta si B at hindi dapat ganun. Para akong pinaglaruan. At wala akong nasabi kundi (hindi diretso kay A pero maraming nakarinig)...

Pasalamat ka wala na akong dignidad.
Kung medyo bata pa ako, mag-aaway tayo.

Gusto kong isiping ito na ang maturity, ito na iyon. Gusto ko ring maniwala na alam ko lang ang mahalaga sa akin at ang mga ganitong bagay ay inililigo lang. Gusto kong magmalaki na ito ay sakripisyong wagas. Pero hindi kumakagat ang totoo sa gusto.

Nahihiya ako sa sarili ko. Sana ay mapatawad niya ako. Iyun lang iyon. Iyon na lang sana iyon.


No comments :

Post a Comment

Yum-ment!