Ang masasabi ko lang talaga, kung may ref kayo sa bahay niyo na gumagana, yakapin niyo nang mahigpit.
Hindi niyo lang alam kung gaano kahirap mabuhay na wala na ngang ref, wala pang access sa palengke. I know, I know. Maaakusahan na #checkyourprivilege ang mga statement ko na yan at ang mga susunod pa. Eh bakit ba? Hirap na hirap na kami rito!
Hindi kami lumaking nahihiga sa salapi, pero sa pagkakatanda ko, hindi nagkaroon ng pagkakataon na wala kaming ref. At kung iisipin ko pang mabuti at paiiralin ko ang pagka-tsismosa ko, ang alam ko ganun din sa karamihan sa mga kababata ko at ka-eskuwela.
Walong taon na naming kasama ang ref namin. Nakaka-senti kung paanong nagbabago ang mga abubot na nakadikit sa katawan niya. Dati may mga pa-magnet pa kami ni Sir_Ko ng mga napapasyalan naming lugar. Aba ngayon, distant memories na lang yang mga ref magnet na yan. Hindi na kasi kami nakakabiyahe (siguro mga dalawang taon pa ang travel ban due to poverty). At yung mga ref magnet eh nayari na ng mga anak namin, sila na mga destroyer of things. Naaalala ko pa, nakagawa kami ng travel hack ni Sir_ko na wala naman sigurong pake ang other parent humans pero share ko na rin. Kapag bibili ng ref magnet, dapat ay two sets. Isa para agarang mairaos ang immediate travel high, isa for safekeeping. Yung for safekeeping ay ilalabas lang kapag nasa edad na ang mga bata na hindi na nila hobby ang manira ng mga gamit sa bahay.
He (I think lalake ang ref namin, ramdam ko) survived three kids. Eight years and three kids. Iba rin. Si Gangjee ay nagsisimula na mag-drowing sa pinto ng ref gamit ang mga pakalat-kalat na crayola. Si TLO at TNLO, bago nasira ang ref ay nakakagalitan na namin dahil panay ang bukas-sara ng pinto. Palagi silang naghahanap ng makakain. Kapag naman may pagkain sa harap nila, mas madalas na ayaw kumain. Sakit sa bangs.
Kami naman ni Sir_Ko ay mga proud hunters and gatherers of food bago nasira ang ref. Wala kaming kasambahay at karamay sa pag-aalaga sa tatlong bata, kami rin ang toka sa pagpapatakbo ng bahay. Kaya proud kami na walang natitirang pagkain mula nung nagsimula ang ECQ (Enhanced Community Quarantine). Hindi kami napapanisan ng ulam at nalinis ko na rin ang mga naninirahang yuck sa ref namin. May mga kaunti pang natirang karimarimarim na mga tsismis sa shelves sa likod ng pinto pero sadyang di ko muna hinaharap. Because I can. And I will. Masabi lang.
Si Sir_Ko ang Quarantine Pass holder sa aming family. Napakasipag at napakatapang niyang pumupunta sa grocery para sa aming mga imbak na pang-ulam. Kaya siya ang pinaka-nahihirapan ngayong sira ang ref. Halos araw-araw ang punta niya sa supermarket.
Ayayay caramba. Napakuwento na ako, pasensya.
Ito ang mga detalye ng sirang ref namin. Baka interesado kayo o may kakilala kayo na ito talaga ang negosyo. Sana taga-Makati kasi mapapagastos nang malaki sa pick-up kung galing pa sa malayong lugar. Salamat!
- General Electric (11 cu. ft.)
- Regular, hindi "no frost"
- Nagamit for 8 years
- Ayon sa technician na pinadala ng GE Service Center, ang sira raw ng ref ay compressor. Aside from compressor, kailangan din ng freon. At dahil mukhang incidents of power fluctuation ang dahilan ng pagkasira ng compressor (after 8 years!), kailangan din bumili ng AVR (Automatic Voltage Regulator) para maiwasan masira ulit ang compressor.
- Kung tama ang mga naibigay sa aming presyo, approximately Php 14-15K ang magagastos. Sa ganyan kamahal na gastos tapos 3 months lang ang warranty ng compressor, aba'y huwag na uy.
|
Ito yung sirang compressor. |
|
Ito yung serial number at kung anu-ano pang numbers. |