Mga taong 2000 pa lang, nangangarap na kami ni Sir_Ko tungkol sa magiging bahay namin. Uso pa ang telebabad noong una naming napag-usapan ang aming imaginary house sa #17 Strawberry St., Antipolo. Sagana sa pagpapa-cute ang mga panahong iyon. Talagang mahahampas kami pareho ng tsinelas sa sintido kung naririnig ng mga magulang namin ang usapan eh.
Gusto naming tumira sa Antipolo kasi malamig doon noong araw. Parang Tagaytay pero mas malapit. At saka maraming view ng halaman at bundok. Iniimagine namin na masarap mag-almusal sa balkonahe sa umaga, may kape, dyaryo (akalain mo, sinong nagbabasa pa ngayon ng PAPEL na diyaryo?), at holding hands. At masarap din ang yakapan sa gabi habang nanonood ng starry, starry, skies. Ang 17 ay galing sa aming monthsary at ang strawberry ay... eh basta pag may romantic scene naman laging may strawberry. Diba? Sabi sa inyo panay kalandian.
Mga 15 years later ay nalaman ko sa isang kaibigan na meron pala talagang Strawberry Street sa Antipolo. Shet, napahampas ako sa motherly hips ko. Pak! It's meant to be.
Wala pa kaming bahay sa lupa, kasalukuyang pinagtatrabahuhan namin yan nung sumabog ang pesteng pandemic. Meron kaming bahay sa hangin. Maliit lang ang unit namin pero ito ang aming unang grown up venture --- a.k.a. pagsasanla ng kaluluwa sa mga kapitalista --- at proud naman kami siyempre. Sa totoo kahit maliit ang bahay-bahayan namin ay hindi naman kami dapat nasisikipan. Ito lang kasing mga itlog namin eh ayaw pang lumipat sa kuwarto nila kaya gabi-gabi akong nagiging bipolar. Napakahirap matulog sa isang kama kapag lima kayo. Saka na lang siguro ang illustration para di ako malungkot.
Ayan tapos na ang mahabang introduction. Gusto ko lang kasi ipagtanggol ang sarili ko bago niyo pa ako mahusgahan. OBSESYON. Ulitin ko. OBSESYON. Gustong gusto ko na talagang magkaroon kami ng totoong bahay. Kaya ako nagsusuyod sa YouTube ng kahit anong may kinalaman sa house tour. Sumasaya ako kapag nakikita ko na nangyayari ang pangarap naming mag-asawa sa ibang tao na walang pagiimbot. At saka naeexcite akong nakikiusyoso kasi iniimagine ko rin kung ano ang magiging itsura pag naman bahay na namin ang ginagawa.
Ito ang ilan sa mga paborito kong house tour videos na nauwi na rin sa pagiging subscriber at usisera ko sa kanilang mga channels. At ito naman ang common denominator sa mga bahay nila na nagustuhan ko. Sana ganito rin ang maging bahay namin, kaya lang ubos na yata ang katas ng YouTube kaya iisip pa kami ng kung ano ang puwede pang kunan ng katas.
- Maganda
- Maaliwalas
- Malaki (depende sa kung ilan ang nakatira ha)
- Maraming halaman
- Maganda ang neighborhood, sariwa ang kapaligiran
- Katas ng YouTube (except for Mommy Ness, nauna ang bahay sa YouTube Channel)
Mommy Ness
Inspirational ang parenting skills ni Ness at Ged kay Raphie. Kapag napapanood ko sila, gusto ko rin maging malumanay na tao. Ang ganda ng pagkaka-organize at decorate ng bahay ng mga Enrique. Ang sinop sinop nilang lahat. At saka ang sweet nilang mag-asawa at ng kanilang love story. Para akong Teletubby kapag natatapos na ang isang video, sabi ko "mow-mow-mowrrr."
Lloyd Cadena
Si Lloyd ang nagtulak sa akin sa kumunoy ng YouTube. Pagkatapos nitong house tour niya, nakita ko ang mahiwaga niyang kilikili. May bertud yata ang kadiliman sa ilalim ng mga braso ni Kuya Lloyd, na-gayuma ako. Sa kalaunan eh niririgodon ko na ang panonood kasi kung hindi eh hindi na ako makakatulog. Channel ni Lloyd, channel ng mga Bakla ng Taon, channel ni Madam Ely, Madam, Aivan, Aye, Limuel, silang lahat (hindi ko maalala lahat ngayon kasi duh... epidural). Namimiss ko ang sangkabaklaan kong kaibigan kapag nanonood ako sa BNT.
Anne Clutz
Napakalaki ng bahay nila Mama Anne, OMG. Mga 12 times ng condo unit namin ang lot area ng bahay nilang napakaganda, napaka-aliwalas, at buhay na buhay. Ang gusto ko pa sa bahay nila, makatotohanan. May ibang vlogger kasi na ang bahay ay parang hindi tinitirhan ng tao sa sobrang ayos. Yung feeling ko may isang tent at portalet sa labas ng bahay nila at doon talaga sila namumuhay kasi dapat laging social media-perfect ang bahay. Sa kakahalungkat ko ng videos ni Madam, nabasa ko ang kuwento ni Joo. Tulo ang luha ko, maraming kapareho sa mga pinagdaan ni TLO, marami akong naalala.