Actually, ito lang ang official count simula noong mag-boypren-gerlpren pa lang kami. May kulang isang taong harutan bago iyon, at kulang dalawang taon pa ng pakikipaghabulan sa pag-asa. Ay pag-ibig!
15 years. Teenager. Ano ba ang nangyayari sa akin noong ako ay 15 years old? Ah. Marami akong taghiyawat. Pangit na pangit ako sa sarili ko, gusto kong gupitin ang ulo ko sa lahat ng litrato. Saka parang lahat yata inaaway ko sa isip ko. Simbahan, eskuwelahan, mga tradisyon at pamahiin. Pero nagsisimula na akong magplano ng mga gagawin ko pa sa buhay ko kapag matanda na ako. Hindi ko pa naiisip ang mag-asawa, pero sigurado na ako sa gusto kong edad kung kailan ako magpapakasal at magkakaanak. Kakatapos ko lang din ng isang nakakatawang heartbreak. Nakakatawa na ngayon pero noon hindi. Nasabihan ba naman akong "it's not you, it's me." Naknampating. Kung hindi mo pala alam na gasgas na dahilan iyon, kahit paano masakit din. Doon ko rin nalaman na may kapangyarihan yata talaga ako manghula. Kasi nahagip na iyon ng radar ko kaya ako nagtanong ng sweet na sweet na "may dapat ba akong malaman?." Umamin agad si kulas. Hindi siya tunay na lalake by modern day standards. Hindi raw umaamin ang mga lalake, hindi pahuhuli ng buhay.
Teka, balik sa anong nangyayari sa 15. Hindi ko maalala kung may boobs na ako noon. Mababa ang body awareness ko. Bumawi na lang yata ako noong 17 at nagsisimula na magbasa ng feminist literature. My toes, my knees, my shoulder, my... asan nga ba iyong sinasabi na parte ng katawan na may piiinakamaraming nerve endings? 15. Wala pang first kiss. Ang linis linis linis ko pa!
So I guess, we are still ok at 15 years young. Kailangan lang kalamayin at kalmahin ang kalooban sa tuwing mag-aalala at mapapakanta ng kanta ni Jaya. "Wala na bang pag-ibig sa puso mo?" Base sa maiksi pang karera ng aking pagiging asawa (ito six years pa lang), natutunan ko na ang tunay na pag-ibig ay laging insecure. Pakiramdam mo laging kulang. Kulang pa, paano ko pa mapaparating na mahal ko siya? Ang tunay na pag-ibig ay praning. Paano kung iwan ako nito ni Sir_Ko bukas, next week o next decade? Praning at insecure pero that's ok kung hindi mo ginagawang emotional punching bag ang asawa mo (or sinusubukang hindi haha!). Tapos sinusubukan mo gawin lahat para tapalan lahat ng nakikita mong butas ng bangka. Matatakot ako kapag dumating ang araw na hindi na ako natatakot.
Kung makapag-post naman ako parang pang-silver anniversary. Eh bakit ba. Masama ba maglambing? Puwede pa naman ako sa PDA.
Huy. Kahit minsan ako'y nagtatampo at parang nagagalit sa iyo, solid 'yang bilang na yan. Maraming labis at hindi nagkukulang. Kahit isang segundo, kahit isang minuto, hindi tumitigil yung something something ko para sa iyo.