Nuffnang

Wednesday, August 24, 2016

Mga Naisip Dahil Sa Pokemon GO


Hindi ako nakikisali sa kaguluhang ito kasi, bilang may addictive personality ako, natatakot akong masira ang buhay ko sa kakahanap ng pokémon. Pero natutuwa talaga akong panoorin ang mga kaganapang dulot ng malupit na app na ito.

For example, nakakaaliw ang di maikakailang age difference ng mga players base sa kung paano nila tinatawag ang mga pocket monsters. Kapag nasa early 20's, sasabihin niyan, "ayoko na ng Rattata ang dami ko na niyan." Pero pag kaedaran ko, "puro na lang daga, gusto ko yung alimango naman." Kabisado ng mga bagets ang pangalan ng mga halimaw. Hindi naman papatalo ang henerasyon namin sa pagkilala ng mga hayop. Aba, sosyal pa yata ang Manila Zoo nung bata pa kami. Nakita namin lahat yan dun.

Masdan ding mabuti ang gigil ng mga daliri kapag hinahagisan ng bola ang mga cute na nilalang. Yung mga bata, soft and swift movements lang ng hinlalaki huli na nila yan. Yung mga tiyuhin at tiyahin gaya nami, halos madurog ng hintuturo ang screen ng telepono bago maka-jackpot. Wagas na wagas yung pag-target, kala mo nananalakab ng hito sa bukid. Sasabayan pa ng "ayan, ayan, huli na!" Sanay kasing magpasabog ng kalabang tangke sa Battle City. Hayaan niyo na.

Pero iniisip ko maigi, kumportable ba ang mga tao na bukas lagi yung location services ng telepono nila? That's a scary thought for me. Imagine, paano kung may gustong pumatay sa iyo? Eh di ang bilis bilis malaman kung saan pupuwesto ang mga sniper (or worse, kung san ilalaglag ang bomba). Bibilhin lang nila ang impormasyon mo sa makers ng laro, ayus na ang buto-buto ng hired killers mo. Paano kung may isang drug pusher convention sa isang Poké Stop tapos ang maitim na balak ng gubyerno eh pasasabugin silang lahat. Tapos nandun ka dahil ang massive media campaign e lalabas dun si Pikachu? Bokot.

Sabagay, baka nega lang ako. Wala naman yatang napatay sa Takeshi's Castle. Siguro naman hindi yan gagawin ng mga brains and bigwigs behind the game.

Dun na lang siguro tayo sa mga positibong puwedeng mangyari. Puwedeng gawing reward ang mga makulay na hayup na yan for noble things. Gusto mo ng Pikachu? Magpa-HIV test ka. Bibigyan ka pa ng lima kapag binalikan mo ang results. O kaya, kapag nagbayad ng tama at makatarungang buwis si Henry Sy, gagawing isang higanteng Trainer Gym ang SM MOA. Puwede na silang sumingil ng entrance fee at WiFi access fee pag nagkataon. Maliit na bagay kumpara sa malaking buwis na kapalit diba?

Eto pa. Job Fair, gagawing Poké Stop. Mga opisina, retention plan. Pabahain ng pokemon sa opisina to the point na puwede nang mag-compete internationally ang mga empleyado.

Of course, of course, sa lahat ng ito, yung mga nakaimbento pa rin ang yumayaman. E ganun talaga. Sila ang nakaisip e. Kaya dapat mag-isip din tayo. Ako gusto ko kunin yung technology nila pero sa halip na pokemon ang huhulihin e mga taong gumagawa ng mga masamang bagay na hindi punishable by law ang nahuhuli tapos ang picture diretso sa isang public website. Dumudura sa daan? Huli ka! Nagpapahid ng kulangot sa dingding ng banyo? Huli ka! Sumisingit sa pila? Chuk! Gotta catch em all. Kasi sa maliit naman nagsisimula ang lahat ng malalaking bagay e. Tagpasin na yang mga pagdahak-dahak na yan bago pa maging chemist ng shabu ang mga turistang tinutukoy ko.

At hoy, kayong mga players, iligpit niyo naman mga sarili niyo. Pokemon dapat ang pakalat-kalat at hinuhuli, hindi kayo.

Thursday, August 11, 2016

Kumusta Naman? 5 Years!

5th anniversary ng blog ko kahapon. Hindi man lang ako nakapagpa-party sa 12 readers ko. Sorry naman.

Miss na miss ko na magsulat dito. Kaya lang ang dami-daming ganap, hindi ko tuloy maharap ang pagfi-feeling yummyliciouslady. Buti na lang at malakas ang ulan, hindi pa ako makauwi. Makakapuslit ako ng isang post.

Sinuwerte ako nang bonggang bongga. May bago akong trabaho, boss, team mates, opisina at schedule. May bago rin akong laptop (si Ate V, for victory and very good luck) at mumurahing telepono (si Tukyaw, kasi nabili for less than two kiyawsand). May paparating na bagong telepono pero sa dahil simply amazing ang bagal ng SMART sa lahat ng bagay, baka matagal pa yun dumating. So sa mga nakakaalam ng dati kong number, huwag niyo ako hanapin ron. Sabagay, wala na rin ako sa Fezbuk so malamang wala na ring makakaalala. Wekwekwek.

Estudyante ako ngayon. Maraming inaaral. Kasama sa learning agenda yung kung paano magmukhang disente at mabuting tao. Bale araw-araw na akong nagpupulbos, naglalagay ng sinampal-effect sa pisngi and... Wait for it... Nagli-lipstick. Maganda naman ang progress report. Nakakalimutan ko lang laging mag-retouch kaya madalas pakalat-kalat pa rin ako na oily. Saka pala madalas na rin ulit akong mag-english.

Health naman. Eh di ayun. Improving Ang hyperthyroidism ko kaya aim higher na ulit ang timbang ko. Konting panahon pa at magkakaron na ng sariling zip code ang aking double chin.

Family? Ay, no comment. I'm a private person. Tsareeeng! Basta masaya yung umuuwi na kumpleto sila.

And love. Hindi for the country, bakit ko naman isasama ang ganung update. Hindi naman ako kakandidato. Yung love na romantic ang tinutukoy ko. Yung gaya kanina na nakita ko si Sir_Ko sa sakayan ng jeep at para akong may UTI sa kilig. Ganern. So that sums up the love update. As it was in the beginning, now and ever shall be, world without end, since year 1997, siya pa rin ang gusto kong kinakalantari (hindi yan mahalay).

Quarter 3, 2016. Yummy beginnings and constants renewed. Thank you for listening to my stories. Kapit lang, 12 readers. Mas magiging makulay sigurado ang mga kuwento pagpalo ko ng menopause.


Monday, July 25, 2016

Vilatra Engkanakepuh - Part 2

Ang Vilatra Engkanakepuh ay isang nobela/dula/komiks na bunga ng intellectual orgy naming magkakaibigan noong 2008. Hindi namin sinubukang isulat siya kasi natatakot kami na magwarla ang mga komunidad na magagalit kung hindi sila marunong mag-have fun sa mga konseptong hindi normal na pinag-uusapan. Kaya lang, lagi niya akong dinadalaw. Ayaw niya akong patahimikin kaya sige, susubukan ko na rin. Siguro rin, sadyang namimiss ko lang nang husto ang mga kaibigan ko kaya ganun. Hindi ako mangangakong may mga kasunod pa ito. Abangan na lang.

Nandito ang Part 1....

===

"Punyeta, Dindin. Kanina pa kita inaantay. Nagka-varicose veins na ang mga tahong sa tinola sa tagal mo. San ka ba nagsuot na bata ka?"

"Sorry, 'tay. Trapik po kasi."

"Paano kang natrapik e naglalakad ka lang?"

"Ay oo nga pala. Napatagal kami sa paga-ani tay. Ang dami kasing janitor fish ngayon. Mahirap mag-ani ng tahong kapag maraming nakaharang na janitor fish."

"Aba bakit? Kasinglaki mo ba yang mga janitor fish na yan at hindi ka makakakilos pag nandyan na sila? Tigil-tigilan mo nga ako sa mga pa-andar mo Dindin."

"Tay, nagda-drugs ka na rin ba? Tama na ang sugal. Hinay hinay lang sa bisyo please. Hindi po malaki ang mga janitor fish pero ang dami dami damiii po nila. As in. Parang mas marami pa sila sa tubig ngayon. Sabi nga ni Mang Bestre, baka raw sinasabutahe sila ng malalaking korporasyon ng tahong. Hindi naman daw ganyan dati, hindi umaabot sa atin ang mga janitor fish ng ilog Pasig at Marikina."

"Baka may passport na sila kaya umaabot na sa atin."

"Huwaw naman, sugarol ka na nga kumedyante ka pa. Angshoshyal ng tatay ko!"

"Puro ka kalokohan. Maghain ka na at kumain na tayo."

Inilagay ni Dindin ang supot ng pasalubong niyang tahong para kay Mang Dondon sa ilalim ng lababo. Nasulyapan niya na kumikinang ang talong na bigay ng misteryosang matanda. Binulungan niya ang talong. "Diyan ka lang muna ha, mamya pag wala na si tatay, subukan natin yung sinasabi ni lola kanina."

"Ok, wait lang me sa 'yo."

Nabitawan ni Dindin ang isang pinggang mainit na NFA kanin. "Amputanginang talong nagsasalita!!!"

"Dindin! Anubayan! Sayang ang kanin! Pulutin mo habang wala pang five minutes. Dali!"

Nagmamadaling pinulot ni Dindin ang natapong kanin. Minsan, nalilito siya sa kung puwede ba talaga sa kanila ang five minute rule e wala naman silang sahig. Kada may natatapon, humahalo sa lupa at putik. Pero malaki ang tiwala niya sa tatay niya. Naniniwala siya sa five-minute rule na pauso nito mula noong maliit pa siya. Pero mas nalilito siya sa mga nangyari ngayon. Nagsasalita nga ba ang talong o marami lang siyang nainom na maruming tubig kanina habang umaani ng tahong?

"Yes, nagsasalita me."

Napailing si Dindin. Tahimik siyang kumain kasabay ng tatay.

"O Dindin, bakit tahimik ka yata ngayon?"

"Tay, tingin mo ba may mga talong na nasobrahan sa fertilizer kaya nakakapagsalita?"

Natigilan si Mang Dondon. Naalala niya ang huling pag-uusap nila ng nanay ni Dindin. Ang sabi, nangungusap daw ang talong ni Balong, ang kapitbahay nilang basurero. Sino raw ba siya para tumanggi. Ang alam ni Dindin ay sumakabilang buhay ang nanay niya at inagos ng matinding baha kaya di na niya nagisnan. Ang totoo, sumama kay Balong. Tinangay ni Balong ang asawa niya at hindi nanlaban. Nang dahil sa talong.

"Dindin, ang mga gulay ay hindi nagsasalita. Kaya nga pag na-comatose ang tao, sinasabi "gulay na" kasi hindi na nagsasalita at nakakakilos. Bakit mo naman naitanong?"

"Wala naman po. Naisip ko lang." Sinilip ulit ni Dindin ang talong mula sa kinauupuan niya.

"Laging may exception to the rule. Ako iyon."

"Narinig mo yun tay?"

"Alin?"

"Yung nagsalita ngayon lang."

"Anak, mamya kung malambot ang dumi mo at parang nasusuka ka, sabihan mo ako. Baka na-red tide ka. Kung anu-ano yang naririnig mo. Pupunta tayo sa health center agad."

Tapos na silang kumain ay hindi pa rin matahimik si Dindin. Una, yung lolang nagte-twerk na nahimatay, naglaho. Ngayon naman, nagsasalita ang talong. Naisip niyang baka nga na-red tide siya. At kahit nami-miss niya ang tatay niya sa tuwing umaalis, sa unang pagkakataon, excited na siyang umalis ito para masubukan ang pinagagawa ng matanda.

"Dindin, aalis na ako. Mahaba haba ang session namin ngayong gabi. Hindi ako titigil hangga't hindi buo ang pambayad natin ng upa sa bahay. Magpahinga ka na agad. Uulitin ko, pag malambot ang dumi mo at nagsuka ka, puntahan mo ako agad para makatakbo tayo sa health center."

"Hindi po ba puwedeng itext na lang kita? Malayo rin iyong pasugalan e."

"Puwede naman kung pareho tayong may cellphone."

Itutuloy...

Thursday, July 21, 2016

Amenimo Makezu (Unbeaten by Rain)

Heard this from a poetry reading session at work, earlier this year. A colleague, a Japanese national, read this to us in her native tongue and provided printed copies of the English translation. I kept the handout in my in-out tray. Every once in a while, on challenging days, I would read the poem and find comfort and inspiration. I am starting to pack my stuff to move to a new home at work. I am not bringing the sheet of paper with me. Because, "Such a person I want to be." Light, uncluttered, open and true. On my desk and on everything else.

Amenimo Makezu (Unbeaten by Rain)
by Kenji Miyazawa

Unbeaten by rain
Unbeaten by wind
Unbowed by the snow and the summer heat
Strong in body

Free from greed
Without any anger
Always serene 

With a handful of brown rice a day
Miso and a small amount of vegetables suffice

Whatever happens 
Consider yourself last, always put others first
Understand from your observation and experience
Never lose sight of these things

In the shadows of the pine groves in the fields
Live modestly under a thatched roof

In the East, if there is a sick child
Go there and take care of him
In the West, if there is an exhausted mother
Go there and relieve her of her burden
In the South, if there is a man near death
Go there and comfort him, tell him “Don’t be afraid”
In the North, if there is an argument and a legal dispute
Go there and persuade them it’s not worth it

In a drought, shed tears 
In a cold summer, carry on 
Even with a sense of loss

Being called a fool 
Being neither praised nor a burden

Such a person I want to be

Wednesday, July 20, 2016

Surprise Me Much?


Hindi naman sa feelingera ako pero malakas ang hinala ko na may hinahandang surpresa para sa akin ang mga team mate prendships ko. Parang naulinigan ko, may videoke raw saka spa activities. Hindi pala nila alam na ayokong minamasahe ako ng ibang tao. Kasi, sabi nga ng isang mamahaling commercial para sa mamahaling retoke services, "Only Sir_Ko touches my skin, who touches yours?"

Walang nagbabasa ng blog ko pero gusto ko silang tulungan. Kung gusto akong i-quicky surprise (hindi overnight), ito ang mga ganap na ikatutuwa ko nang bonggang bongga.

- Tambay sa Conspiracy Bar, lalo pa kung sakto na may poetry reading at ang tema ay ang paborito kong topic: pag-ibig na wagas at hindi kumukupas.
- Isang masaganang kainan sa Dampa kung saan lahat ay kakain ng maraming kanin.
- Tambay sa coffee shop pero walang masyadong human interaction. May laptop ang lahat, solid ang internet connection, tapos magbo-blog ako hanggang hingalin sa tuwa.
- Manood ng play. Dapat sa PETA o kaya sa CCP at dapat din ay hindi english.
- Umattend ng yoga class. 2 hours please. Huwag Bikram, mamamatay ako.
- Magpa-tarot reading.
- I-sponsor kami ni Sir_Ko ng romantic date. 
At higit sa lahat...
- Maupo lang kahit saan. Mag-kuwentuhan. Magkakilala ulit. Para may baunin akong payapa at masayang alaala sa napipinto naming paghihiwalay. Halos tatlong taon ko rin silang kasama ng 12-14 hours a day, 5 days a week. Kahit paano, mangungulila din ako.

Tuesday, July 19, 2016

Vilatra Engkanakepuh - Part 1

Ang Vilatra Engkanakepuh ay isang nobela/dula/komiks na bunga ng intellectual orgy naming magkakaibigan noong 2008. Hindi namin sinubukang isulat siya kasi natatakot kami na magwarla ang mga komunidad na magagalit kung hindi sila marunong mag-have fun sa mga konseptong hindi normal na pinag-uusapan. Kaya lang, lagi niya akong dinadalaw. Ayaw niya akong patahimikin kaya sige, susubukan ko na rin. Siguro rin, sadyang namimiss ko lang nang husto ang mga kaibigan ko kaya ganun. Hindi ako mangangakong may mga kasunod pa ito. Abangan na lang.

Si Vilatra ay ang makabagong superhero ng mga malabong pangangailangan. Si Dindin siya sa tunay na buhay, ulila sa ina, at kaisa-isang anak ni Mang Dondon, kilalang sugarol sa Baranggay Tulyahan. Pinagsikapang palakihin ni Mang Dondon si Dindin sa sipag at tiyaga. Dugo at pawis ang puhunan niya sa tong-its para may maipakain sa anak. Kapag holiday sa sugalan, suma-sideline si Mang Dondon sa tahungan kaya kinalakihan na ni Vilatra ang hapag kainan na mas masagana pa ang tahong kaysa sa kanin. Paborito niya talaga ang tahong. May sabaw o wala, gustong gusto niya itong kainin.

Noong minsang papauwi si Dindin galing sa pag-aani ng tahong, nadaanan niya ang isang matandang babae na tinatapat ang tumbong sa mga nakaparadang bus. Kakaiba man ang trip ng matanda, wala ng nag-abalang sawayin siya kasi nandun ang Bayan ni Juan sa bus terminal nung mga oras na iyon. Mahaba na ang pila para sa "bring me game." Ang pinabibitbit nung araw na iyon ay stool sample sa garapon. Dapat daw maligamgam kasi kung hindi, disqualified ka. Buti naman may disiplina ang lahat. Natakot si Dindin na kung magkagulo ay maghahalo ang balat sa nataehan.

Nilapitan ni Dindin ang matanda at tinanong. "Anong ginagawa mo nay?" Simple ang nakuha niyang sagot. "Eh di nagte-twerk." Napakunot ang noo ni Dindin. Kinalkula niyang mabuti yung mga nakikita niya sa TV kumpara sa ginagawa nung lola. "May problema ba iha?"

"E nay, nakatuwad ka lang nang slight. Nakatapat lang ang puwet mo sa tambutso. Asan ang twerking diyan?"

"It's all in the mind. Pawis na pawis na nga ako sa isip ko o."

Bigla na lang nahimatay ang matanda. Natakot si Dindin. Para kasing tinatakasan na ng buhay ang matanda. Niyugyog niya nang niyugyog ang lola. "Nay! Nay! Nay!!!". Ginalugad ni Dindin ang dala niyang plastic bag. Hindi niya alam kung anong hinahanap niya pero parang may ideya siya na dapat painumin ng tubig ang nahihimatay. Sumabog ang laman ng plastic bag sa lupa. Puro tahong. Binilisan ni Dindin ang pagiisip ng solusyon. Pumitas siya ng isang tahong, dinai-daiti ang daliri dun sa kuntil sa gitna. Ayun, patak ng tubig! Tinapat niya ang tahong sa bibig ng wala pa ring malay na matanda. Mga naka-sampung dinaliring tahong bago nahimasmasan ang matanda.

"Shit. Dapat talaga nag-zumba na lang ako, hindi pa malakas ang core ko para sa twerking."

"Ayos ka na ba nay? Grabe naman ang pag-twerk mo sa isip mo. Nahimatay ka tuloy."

Dumukot ang matanda ng isang malaking talong mula sa kanyang bra. "Dindin, napakubuti ng iyong kalooban. Ikaw ang karapat dapat na magmay-ari nito."

"Nay, tahong po ang paborito ko hindi tahong. Aanhin ko po yan?"

"Isusubo mo ito. Kapag sumayad ang talong sa iyong lalamunan, mapapasaiyo ang kapangyarihan ng lahat ng kababaihan sa buong universe."

"Magiging Ms. Universe ako?"

"Huwag kang masyadong ano. May height requirement yun. Kabisaduhin mo itong dalawang salitang ito. Isigaw mo bago mo isubo ang talong."

Inabot ng matanda ang palara galing sa isang lumang kaha ng yosi kay Dindin. May nakasulat nga na parang lettering sa lumang bote ng San Miguel Beer.































"Nay, kapampangan ka pala. Anong ibig sabihin ng ENGKANAKEPUH?"

Nagulat si Dindin dahil wala na ang kausap niya.

Itutuloy pag may time...

Dirty Thoughts

Hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko na tumawa nang malakas kapag may naduduwal sa banyo dahil sa bugso ng damdamin sa pagsesepilyo. Alam mong napasobra ang paglilinis ng dila at halos pati tonsils nakayod na kapag narinig mo ang "kharkkk" tapos uubo tapos halos maduwal tapos "kharrkkk" nang paulit-ulit. Alam ko masakit yun kasi lahat naman yata tayo naranasan na ang ganun pero kapag inuulit-ulit, gusto kong lapitan at sabihan ng "ayan sige pa, ulitin mo pa" tapos tatawa lang ako nang tatawa hanggang magsuka siya. Tapos sasabihin ko, "ano isa pa?" tapos ituturo ko siya at tatawa ulit ako nang tatawa.

Oo na, masama akong tao. Pero kasi tandaan natin na ang sabi ay brush your teeth three times a day. Teeth, people. Hindi tonsils.