Ako ay sinuwerteng pinalaki ng mga leader na nagturo ng isang ginintuang aral: kung may reklamo ka, bago ka pa magreklamo dapat buo na sa isip at puso mo kung anong gusto mong mangyari. Sa corporate world, at least dun sa mga kumpanya na nagi-invest sa masinop na performance management process (and therefore effective coaches dapat ang mga bossing), sikat na sikat na feedback method ang STAR or STAR/AR.
STAR - Situation/Task, Action, Result
STAR-AR - Situation/Task, Action, Result, Recommended Alternative Action to achieve Alternative Results
So kung dadalhin natin yan sa isyu ni Napoles.
Situation Task - Required kaming mga empleyado na magbayad ng buwis. Lahat ng consumer may binabayarang kung anu-anong VAT sa bawat labas ng pera.
Action - Dinadala niyo sa kalokohan ang tax remittance
Result - Naghihirap ang Pilipinas (more recently, nadidisgrasya ang mga Pilipino pag may trahedya)
Alternative Action - i-abolish na ang kinginang pork barrel na yan
Alternative Result - wala na kayong nanakawin
Pero nakukulangan ako. Eto pa ang karagdagang Alternative Action na gusto ko, bilang taxpayer. Dalawa lang ito kasi yung mga iba, social overhaul ang prerequisites. Dalawa lang. Sabi nga ng kumakalat na social media shout out...
I am Yummyliciouslady. Pinoy Ako.
I pay my taxes on time, and in full.
YOU, my government, owe me an explanation.
And these too!
Customer/Filipino-Centric Government Services
- kapag kailangan kong dumalaw sa government offices para sa kung anong requirement, kailangan kong magbuwis ng tulog o kaya-mag leave. Kasi ang tagallll ng mga proseso. O kaya naman, kasi gabi ang pasok ko at dapat ay tulog ako sa araw. Gusto kong lahat ng citizen-facing branches of government ay bukas 24/7. Ok, sige sabihin na nating masyadong mahirap yan, at least 9/7. Siyam na oras sa isang araw, araw-araw. Kasi po, yung mga may trabaho ay di makakilos ng Monday to Friday. So sa weekend kami kakarir ng kung anu-ano. Walang sinasabi sa labor code na dapat ay Monday to Friday lang ang pasok. Walang malalabag na batas basta 45 hrs per week pa rin ang ipinapasok sa trabaho ng government employees. Forecasting lang yan. Hindi Calculus.
- dagdag example lang ulit. Taas ang kamay ng nakagamit na ng Philhealth sickness benefit? Naka-confine ka na, iisipin mo pa kung paanong pupunta sa Philhealth para kumuha ng Member's Data Record. Ang proof of contribution, ibibigay ng employer pero ang katibayan na Philhealth member ka, ay kunin mo sa Philhealth. Deadma kung naka-wheelchair ka. Gawa ka ng authorization letter kung naigagalaw mo kamay mo at ipakisuyo sa kamag-anak o kaibigan.
- turuang maging makatao ang mga government employees. Kung makapagmando ang mga yan ng customer, kala mo pinsang buo ni Obama. Excuse me. Kami nagpapasuweldo sa inyo. Magsi-ayos kayo. Isama sa performance management process (na wala sila ngayon!) nila ang Customer Service delivery. Ay naku mga ma'am at sir. Katok lang kayo sa BPAP. Ang dami-daming training na pwedeng ibigay sa mga tao niyo.
- gawin nating paperless ang mga transaction na pwede namang gawin na online. Sa SSS pwede na ngayong mag-online loan application. Sa Census, pwede na mag-request ng mga dokumento na hindi kailangang mag-camping sa mga satellite offices. Kaya kung gusto. Again, kung gusto may paraan. Kung ayaw, may dahilan.
- Centralized Records Keeping and Management - alam niyo ba kung gaano katagal mag-ayos ng papeles pagkatapos ikasal, manganak o kahit mamatayan? Ako na ang magbabayad ako pa ang gagapang sa lusak para lang maging responsableng mamamayan.
Inhouse OFW Benefits
Ang daming benepisyo ng mga OFW. Kasi nga naman, dolyar o kung anong foreign currency ang pinapasok nila sa Pilipinas. Tapos ang layo nila sa pamilya. Ako naman nasa Pilipinas din. Pero ako, at karamihan sa amin sa BPO sector, dolyar ang pinapasok na pera sa bansa. Hindi kami miles away sa mga pamilya namin. Pero, pero, pero, gabi kami magtrabaho kasi ang mga sinusuportahan naming business ay miles away. Therefore, gising kami habang ang pamilya namin ay tulog. Ang mga call center agents, bayad man ng doble kapag holiday, malinaw pa rin na hindi nakaka-Philippine holiday. O e di para rin kaming OFW diba? So pahingi naman ng OFW benefits. Andito kami, inhouse OFWs!