Nuffnang

Pages - Menu

Friday, October 18, 2024

Day 1: Bakit ko nga ba gustong magsulat?

Naka-attend ako ng webinar ni Sir Ricky Lee kahapon. Masayang masaya ako na nakatapak sa mundo na pinapangarap kong tirhan. Yung mundo ng pagbabasa, pagsusulat, pakikinig, at panonood na kapaki-pakinabang. May ilang beses na nagilid ang luha ko at nagpigil akong magtaas ng kamay at magwagayway ng puting panyo. Amen, amen, totoo po iyan! 

Siyempre, nang mahimasmasan, napatanong na naman ako sa sarili ko kung bakit ko nga ba gustong magsulat. Sa totoo, meron akong nakahandang sagot na pira-piraso lang ng mas marami pang mga dahilan (I hope). Hindi lang ako satisfied sa sagot ko kaya ayokong lubayan ang pagtatanong. Makasarili kasi ang mga dahilan. Heto na. 

Una, ang pagsusulat ay sixth sense para sa akin. O kung pang-ilan man yan. Kapag may naiisip ako o nararamdaman, mas gusto kong magsulat kaysa magkuwento. Sixth sense, tama ba?

Pangalawa, marami akong gustong ikuwento pero mahina akong bumangka sa kuwentuhan. Siguro dahil likas akong mahiyain, hindi ako likas na mahusay na public speaker kahit tatlong tao lang ang kausap ko. Nabo-bore ako sa sarili ko at napapansin kong wala ring napupulot ang mga kausap ko sa kahit anong kinukuwento ko (iba kapag sa trabaho siyempre, pursigido ang lahat na marinig at umuuwing talunan ang mahina ang boses). Pero kapag tahimik ang paligid, at ang kuwento ko ay nakasulat, naririnig ako. Dinirinig ako. Wala akong hiya, wala akong kiyeme, matangkad akong nagkukuwento na parang isandaang pulutong ng mga alitaptap. Walang naiinip. 

Pangatlo. Marami rin akong pinaniniwalaan at kasama sa mga gusto kong ikuwento ang mga opinyon ko at paghihimay ng mga bagay-bagay. Siyempre paminsan minsan ay gusto ko ring magmagaling lalo kapag sigurado naman akong may baon akong husay.

At iyan ang mga self-serving na dahilan kung bakit gusto kong magsulat. Kung may self-serving ay meron ding in the service of Earthlings --- hindi lang mga Pinoy - -- ang dahilan. 

Pero sa susunod na lang iyan. Iiyak pa ako, mahaba pa ang gabi.

~November 16, 2020 | 12:48AM-01:25AM

No comments :

Post a Comment

Yum-ment!