Mula noong nag-lockdown ay napapadalas ang pag-aaya ni Sir_Ko na kami raw ay mag-jampungan sa umaga. Ang madalas kong sagot, wala ako sa mood. At saka gising lahat ng bata, mahirap na.
Kahapon ay naisipan kong pagbigyan na siya. Kawawa naman kasi at saka to be fair sa asawa ko, nakaka-touch din kahit papaano na hindi siya namimilit. Mas tamang sabihin na siya ay nagmamakaawa. Sabi ko, handa na ako. Nagmamadali siyang naghanda ng mga gamit, tapos ay pumuwesto na sa tapat ko para sa una naming jampungan ngayong tag-init.
Biglang ako na ang kinabahan.
Ilang ulit akong napalulon pero mas lalo akong natutuyuan ng lalamunan sa bawat lulon ko ng laway. Rumaragasang tren ang puso ko na hindi matutong magtimpi matapos madaplisan ng mga basa niyang daliri ang aking mga palad. May diin ang mga bibitawang kong kasunod na salita, naghahamon, sumusuko, nangungusap.
"Bilisan mo na, Love. Gutom na gutom na ako."
Agad niyang binuksan ang dalawang paketeng
Lucky Me Jjamppong. Opo ano po. Instant noodles po. May iniintay po ba tayong mature content?
Paalala: This is NOT a sponsored post. Masarap lang talaga.
Ang Lucky Me Jjamppong ay hindi palabiro. Talagang lasa siyang seafood noodles na may pinulbos na siling labuyo. Pero yung siling labuyo ay pinalaking mababa ang loob kaya hindi OA ang anghang at sakto lang para sa mga duwag sa spices na gaya ko. Kung may sipon ka, panalo rin ito. Para kang humigop ng vaporub pero kulay orange at hindi gel.
Naiimagine ko na kung meron kang buhay na lamang dagat ay puwedeng puwede mong ihalo rito sa noodles na ito at mas magiging mabuti pa ang tingin mo sa sangkatauhan. Let's say hipon, alimasag, pusit, fish tofu, mga ganyan. Ito lang kasi yung laman ng isang pakete. Pero magrereklamo pa ba tayo para sa presyo? Wag na, accept na lang natin tapos move on na sa palengke.
Ayan na, ayan na. Takpan ang ilong, nakakabahing yan 'tsong. Kung hahatsing ay lumayo sa lalagyan, baka masinghot mo lahat.
Lalagyan lang ng mainit na tubig, tatakpan, tapos uupakan. Ganon kadali. Tapos inom kang mga dalawang litrong tubig kasi hindi naman kaila sa ating lahat na ang instant noodles ay may halong isang bloke ng asin.
Bonus! Itong cheese buns ng Gardenia ay patok na patok na kapartner ng Lucky Me Jjamppong. Kapag ubos na ang noodles ay puwedeng puwedeng isawsaw ito sa sabaw. Masarap na sa dila ay masarap pa ang init sa tiyan. Yung alat-tamis ng cheese buns ay lumalaban sa anghang-asim-alat nung kung anumang
authentic Korean spicy seafood na magic dust nung noodles. Yung bibig mo maiiwang nagtataka kung anong nangyari pagkatapos mag-rambulan ng mga flavors na yan. Tapos gugustuhin mong maintindihan kung anong nangyari at hindi ka titigil kumain hangga't hindi mo naiiintindihan. Tapos ubos na. Bukas na ulit. Ay wag ganon. Consume moderately and with lots and lots of water please.
Bonus question for
Lucky Me: Why the dobol-dobol JJ and the dobol-dobol PP? Sabi ba yan sa Feng Shui? Kayteynks!
Pinipiktyuran ko yung cheese buns biglang may photobomber na daliri pala. Ayan si Gangjee, gigil na gigil sa tinapay.