Ang Vilatra Engkanakepuh ay isang nobela/dula/komiks na bunga ng intellectual orgy naming magkakaibigan noong 2008. Hindi namin sinubukang isulat siya kasi natatakot kami na magwarla ang mga komunidad na magagalit kung hindi sila marunong mag-have fun sa mga konseptong hindi normal na pinag-uusapan. Kaya lang, lagi niya akong dinadalaw. Ayaw niya akong patahimikin kaya sige, susubukan ko na rin. Siguro rin, sadyang namimiss ko lang nang husto ang mga kaibigan ko kaya ganun. Hindi ako mangangakong may mga kasunod pa ito. Abangan na lang.
Si Vilatra ay ang makabagong superhero ng mga malabong pangangailangan. Si Dindin siya sa tunay na buhay, ulila sa ina, at kaisa-isang anak ni Mang Dondon, kilalang sugarol sa Baranggay Tulyahan. Pinagsikapang palakihin ni Mang Dondon si Dindin sa sipag at tiyaga. Dugo at pawis ang puhunan niya sa tong-its para may maipakain sa anak. Kapag holiday sa sugalan, suma-sideline si Mang Dondon sa tahungan kaya kinalakihan na ni Vilatra ang hapag kainan na mas masagana pa ang tahong kaysa sa kanin. Paborito niya talaga ang tahong. May sabaw o wala, gustong gusto niya itong kainin.
Noong minsang papauwi si Dindin galing sa pag-aani ng tahong, nadaanan niya ang isang matandang babae na tinatapat ang tumbong sa mga nakaparadang bus. Kakaiba man ang trip ng matanda, wala ng nag-abalang sawayin siya kasi nandun ang Bayan ni Juan sa bus terminal nung mga oras na iyon. Mahaba na ang pila para sa "bring me game." Ang pinabibitbit nung araw na iyon ay stool sample sa garapon. Dapat daw maligamgam kasi kung hindi, disqualified ka. Buti naman may disiplina ang lahat. Natakot si Dindin na kung magkagulo ay maghahalo ang balat sa nataehan.
Nilapitan ni Dindin ang matanda at tinanong. "Anong ginagawa mo nay?" Simple ang nakuha niyang sagot. "Eh di nagte-twerk." Napakunot ang noo ni Dindin. Kinalkula niyang mabuti yung mga nakikita niya sa TV kumpara sa ginagawa nung lola. "May problema ba iha?"
"E nay, nakatuwad ka lang nang slight. Nakatapat lang ang puwet mo sa tambutso. Asan ang twerking diyan?"
"It's all in the mind. Pawis na pawis na nga ako sa isip ko o."
Bigla na lang nahimatay ang matanda. Natakot si Dindin. Para kasing tinatakasan na ng buhay ang matanda. Niyugyog niya nang niyugyog ang lola. "Nay! Nay! Nay!!!". Ginalugad ni Dindin ang dala niyang plastic bag. Hindi niya alam kung anong hinahanap niya pero parang may ideya siya na dapat painumin ng tubig ang nahihimatay. Sumabog ang laman ng plastic bag sa lupa. Puro tahong. Binilisan ni Dindin ang pagiisip ng solusyon. Pumitas siya ng isang tahong, dinai-daiti ang daliri dun sa kuntil sa gitna. Ayun, patak ng tubig! Tinapat niya ang tahong sa bibig ng wala pa ring malay na matanda. Mga naka-sampung dinaliring tahong bago nahimasmasan ang matanda.
"Shit. Dapat talaga nag-zumba na lang ako, hindi pa malakas ang core ko para sa twerking."
"Ayos ka na ba nay? Grabe naman ang pag-twerk mo sa isip mo. Nahimatay ka tuloy."
Dumukot ang matanda ng isang malaking talong mula sa kanyang bra. "Dindin, napakubuti ng iyong kalooban. Ikaw ang karapat dapat na magmay-ari nito."
"Nay, tahong po ang paborito ko hindi talong. Aanhin ko po yan?"
"Isusubo mo ito. Kapag sumayad ang talong sa iyong lalamunan, mapapasaiyo ang kapangyarihan ng lahat ng kababaihan sa buong universe."
"Magiging Ms. Universe ako?"
"Huwag kang masyadong ano. May height requirement yun. Kabisaduhin mo itong dalawang salitang ito. Isigaw mo bago mo isubo ang talong."
Inabot ng matanda ang palara galing sa isang lumang kaha ng yosi kay Dindin. May nakasulat nga na parang lettering sa lumang bote ng San Miguel Beer.
"Nay, kapampangan ka pala. Anong ibig sabihin ng ENGKANAKEPUH?"
Nagulat si Dindin dahil wala na ang kausap niya.
Itutuloy pag may time...
*Nandito ang Part 2
Tuesday, July 19, 2016
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment
Yum-ment!