Nuffnang

Pages - Menu

Sunday, August 02, 2015

Gusto kong magsulat (isang sanaysay na hindi umabot sa Palanca)


First draft, 25-August-2014. Wala ng second draft, deadma na. Dito na lang.


Gusto kong magsulat

Mula pa noong natuto akong magtahi ng mga salita, ayoko ng tumigil magsulat. Mas gusto kong magsulat kaysa magsalita. Gusto kong magsulat dahil iyon ang karugtong ng aking lalamunan. Gusto kong bumubuo ng mundo sa papel, parang diyos na marunong humingi ng tawad at magsisi kapag umabot sa puntong dyahe na ang kinalalabasan ng mga nilikha. Kung minsan nga, mas gusto kong magsulat kaysa magmahal. Dahil ang pagsusulat ay hindi humihingi ng kapalit. Gusto kong magsulat dahil kung hindi ako magsusulat, ako ay hindi ako.

Ambigat ano? Akala mo kung sino.

Aba, ako naman talaga ay isang malaking “sino.” Ang pamilya ko ay saksakan ng yaman sa mga ginintuang kwento. Gusto kong isulat na malaki ang atraso ng mga hapon sa lola ko. Namatay sa digmaan ang aking great grandparents at naiwan ang limang magkakapatid na babae sa pagkalinga ng rockstar na si Mama Fausta. Katorse anyos ang Mama Fausta at siya na nag-alaga sa lahat ng kapatid. Sa pananahi at pagtitinda ay nabuhay silang magkakapatid at nakatapos pa ng hayskul. Ang aking lola ay malas sa pag-ibig pero hindi sumuko hanggang sa huli. Panganay niyang anak ang tatay ko na siyang pinakamahusay na bastardo sa buong mundo. Ang tatay kong nag-construction worker, nagtinda ng sigarilyo at naging jeepney driver (hanggang ngayon) para maitawid ang pag-aaral naming magkakapatid. Ang tatay ng tatay ko ay isang buhay na alamat na naglaho noong dalawang taon pa lang ang tatay ko. Kung nasan man siya ngayon, buhay o patay, sana ay hindi siya nakakalimot magsisi.

Lumaki ako sa Tatalon, ang almost-Tondo ng Maynila. Noong araw daw ay uso ang panaan sa Tatalon. Uso na ulit ngayon, kasabay ng bagong dugo ng mga adik. Dati kasi, marijuana at cough syrup lang ang trip ng kabataan sa Tatalon. Sa umaga, kapag oras na ng pagwawalis ng matatanda, usisero akong nagtataka kung bakit ang dami laging bote ng Phydol sa bakanteng lote sa tapat ng aming bahay. Parang may party ng mga may ubo – nakakabasa na ako noon kaya alam ko na ang ibig sabihin ng cough syrup. Walang nagpaliwanag pero naintindihan ko naman kinalaunan. Ang cough syrup ay paboritong inumin ng mga adik. Sa tingin ko, mas maganda ang tama ng cough syrup kasi nung mga panahong iyon, kahit sako-sako ang cough syrup na binebenta sa magbobote kapag Linggo, hindi magulo. Ngayon kasi, Shabu na ang binebenta, kaliwa’t kanan. Kahit may araw pa, kahit may raid pa, kahit piyesta ng poon, walang tigil ang abutan ng puting bato at lahat ng may tama ay naga-astang Darna. Naghahanap ng gulo. Lumilipad ang mga bato kapag tumama na ang sininghot na bato. Heavy. Basag lahat ng dapat mabasag, pati ngipin ng mga adik, ubos. Uso na rin ang nakawan. Dati-rati, ligtas ang mga mabubuti sa mga kriminal. Parang may shield ng kabutihan. Kapag gaya ng nanay at tatay ko na mahusay mag-abot sa mga nangangilangan (sa buhay at ng pulutan), hindi kinakanti ng masasamang loob. Pero nitong nakaraang buwan lang, binakbak ng mga salbahe ang aming dingding, umaasang pag natuklap ang dingding, pasok na sila sa aming kayamanang wala naman.

Ang bahay namin sa Tatalon ay biyaya ng mga Marcos sa mga loyalista. Ang lola ko na aktibong miyembro ng “Ladies” ni Imelda ay nabigyan ng malaking piraso ng lupa. Hindi ko masisisi si lola kung bakit mahal niya ang mga Marcos kahit sila ay halimaw. Namigay sila ng lupa, choosy pa ba? Kaya kahit alam ko na, kahit minsan ay hindi ako nangahas magkwento sa lola ko ng tungkol sa mga deseparacido at mga aktibistang kinatay ng kanyang superheroes.

Sa Tatalon ako natutong mabuhay na dilat na dilat lagi ang mata. Trust no one. Ang mga mahirap pa sa amin ay parang mga maamong tupa kapag kailangan ng tulong. Pagkatapos mo abutan, diretso sa sugalan. Ang pagpapautang ay charity work. Ang umasang babayaran ay taya. Balagoong sa mundo ng mga switik. Sa Tatalon ako natutong mangarap at lumaban.

Sabi ko, kahit anong mangyari, aalisin ko ang pamilya ko sa lugar na ito. Maglilibing ako ng mga pangarap para makaahon kami sa hirap. Sa UPCAT, labindalawang kurso ang pinagpilian ko. Pero malinaw sa akin na ang kolehiyo ay ticket lang para magkaroon ng trabaho. Gusto ko mag-Theater Arts. Gusto kong mag-Malikhaing Pagsulat. Gusto kong maging nurse kahit sabi ay hindi raw bagay sa akin na mukhang laging may sumpong. Hinanap ko ang middle ground. Saan ba nagsusulat pero pwedeng may pera? Sige, BA Journalism tapos ang target ay mag-Corporate Communications. Sabi kasi ng mga matatanda noon, marami raw pera ron.

Ang apat na taon sa kolehiyo ay parang pakikiapid sa pangarap. Binusog ko lang ang sarili ko sa pag-aaral, pagsusulat, pagsi-sit sa klase ng idol kong si Sir Jun Crez Reyes at pagbabasa pero lagi’t laging may paalala. Hindi ito iyo. Hindi ito ang para sa iyo. Nanghhihiram ka lang. Kailangang matutong bumitaw sa tamang oras. Kaya noong graduation day, may topak ako. Kinuha ko ang medalya pero hindi ko pinasabit sa kawawang nanay at tatay ko. Wala namang nagtatanong pero gusto kong may nakakaalam, kahit pasimple lang, na ako ay naguluksa. Ito ang araw ng libing ng aking mga pangarap. Pagbaba sa entablado ay isasangla ko na sa mga kapitalista ang aking kaluluwa para sa iba pang mga pangarap. Para sa magandang bahay at buhay, para sa pagiging responsableng panganay. RIP, artistang tunay. Naks.

Hanggang ngayon, labing-apat na taon man ang lumipas, hindi pa rin tumitigil ang patak ng luha sa tuwing manonood ako ng dula. Dapat andyan ako, dapat kasali ako. Pero ano bang magagawa? Umatungal man ng iyak, lumuha man ng bato o tinapay, nangyari na ang nangyari. Hindi ako umabot sa biyahe, kasi may shift. Graveyard shift.

Napadpad ako sa pinaka-inggleserong industriya sa Pilipinas. Naging call center agent at unti-unting umangat ang posisyon. Sipag at tiyaga ang puhunan, saka dead brain cells and higher risks sa kung anu-anong sakit. Pero kahit ilang digit ng suweldo, hindi nawawala ang kati. Gusto ko pa ring magsulat. Pampalubag-loob, pinatulan ko ang blogging. At saka eventually, Facebook at Instagram. Kapag may “likes” kahit papano nakakakiliti ng puso. Uy, may nagbabasa sa akin! Sinubukan ko rin namang habulin ang mga nawalang taon. Nag-enrol ako sa LIRA workshop sa UP. Mapagbiro lang ang tadhana, dalawang Sabado pa lang akong pumapasok eh nagmarakulyo naman ang aking katawan. Appendectomy. Goodbye, LIRA. Hanggang sa muling dalaw ng lakas ng loob. Mukhang matagal pa dahil ngayon ay meron na akong dalawang anak at (awa ng Diyos) isang asawa.

Gusto kong isulat na nagmahal ako at patuloy na nagmamahal na parang wala ng bukas. Sa lalake. Masalimuot ang kwento ng aming pag-ibig pero gaya ng pamilya ko, panalo rin kami sa napakaraming ginintuang kwento. Romeo and Juliet pero hindi apelyido ang puno’t dulo ng sigwa. Si Lord. Iba’t ibang version ng Lord Almighty. Sabi kasi ng relihiyon ng pamilya niya, ang hindi nila kapareho ay masusunog sa dagat-dagatang apoy at asupre. Walang magulang na gustong makitang nasusunog ang anak niyang inaruga ng maraming taon sa nasusunog sa kamunduhan. Kaya sampung taon kaming nagtago at nagtangkang maghiwalay. Mahabang sampung taon kung saan ilang beses akong bumigay at nagsabing ayoko na, nauubos ang itlog ko, saan ba ito pupunta? Gusto kong isulat nang paulit-ulit kung gaano ko siya kamahal, yung batang lalake na ngayon ay unti-unti nang napapanot sa pagiging tatay.

Gusto kong isulat ang dilubyong pinagdadaanan ng babaeng may kinatatakutang biological clock, lalo at pangarap niyang magkaroon ng anak. Gumuho ang mundo ko noong sinabihan ng doktor na hindi ako pwedeng magkaanak sa natural na paraan. Ako? Ako talaga? Gusto kong magsulat at magpaabot ng pakikiramay sa lahat ng mga babaeng hindi biniyayaang magkaroon ng supling habang ang mga ayaw magkaanak ay napapabalitang nagpapalaglag ng bata.

Yun pala, joke only, sabi ng tadhana. Dumating sa buhay namin ang isang himala at produkto ng tatlong taong pagtitiyaga. Ang tawag namin sa kanya ay Potling. Ang kaso, joke only ulit, sabi ng kung sino. Pinanganak siyang may major factory defect. Walang ngalangala ang aming panganay. Bago siya naoperahan, kapag bukas niya ng bibig, kita agad ang butas ng ilong. Pagkatapos naman ng dalawang opera, selyado na ang butas. Pero hindi pa rin siya nakakapagsalita hanggang ngayon.

Lagi kong gustong magsulat ng mahabang reklamo sa kung sinong nagpauso ng cleft palate. At saka reklamo na rin sa gubyerno na walang suportang maibigay sa mga batang may special needs. Nauubos ang pera namin sa therapy, pero hindi siya gumagaling. Hindi pa siya gumagaling. Ang sabi, kapag daw pitong taon na si Potling at hindi pa rin nagsasalita, puwede siyang ideklarang mentally retarded. Kapag dumating ang araw na iyon, kanino na naman ako magrereklamo? Gusto kong magsulat ng reklamong puno ng sumbat. Bakit ang anak ko? Bakit ako? Bakit kami? Bakit nangyayari ito sa mga batang walang kasalanan? Gusto kong magsulat sa lahat ng miracle worker, saklolohan niyo ang anak ko parang awa niyo na please?

Sa madilim na oras ng pangamba, dumating ang isa pang liwanag. Biglaan, isa pang anak. Abot-abot ang dasal ko at pagtitirik ng kandila. Totoo, kapag oras ng gipitan, kailangan ng makakapitan. Sabi kasi, dahil may cleft palate si Potling, malaki ang posibilidad na meron din si Sopling. Buti naman at tumalab ang dasal. Mukhang ayos naman itong batang ito. Meron lang siyang atopic dermatitis. May tsismis sa balat, paulit-ulit. Pero ayos na iyon. Gusto kong sumulat sa lahat ng nawawalan ng pag-asa na huwag bibitaw. Napapagod din ang mapagbirong tadhana, sa tingin ko. Huwag magpapatiwakal dahil kapag napagod siya, at least buhay ka. Hindi ka niya masasabihan ng belat, quitter.

Gusto kong magsulat na natatakot akong tumanda. Una, dahil hindi ko pa kayang makita ang sarili ko na kawangis ng pasas. Kulubot. Mahilig ako lumakad, paano kaya ang buhay ng uugod-ugod? Matutuwa ba ako sa libreng pases sa sine kung hindi ko naman maakay ang sarili ko palabas ng bahay? Pangalawa, paano ang mga utang sa bangko at anak kong iiwan? Paano mabubuhay ang matandang buong buhay nagtrabaho sa kakarampot na pensiyon na bigay ng gubyerno? Wala naman kaming negosyo, paano ba maging intsik? Ngayon din.

Gusto kong magsulat ng kontrata sa iilang piraso kong kaibigan na dapat magkasama kami hanggang sa huli. Kahit kung saang-saang lupalop kami dalhin ng buhay, kahit anong sakit na bigay ng Diyos at bigay ng tao ang dumapo sa amin, gusto ko nandiyan lang sila. Gusto kong hanggang sa huli eh minumura-mura at nilalait nila ako. Dahil sila ang paborito kong kasalo sa buhay.

Gusto kong magsulat ng petition laban sa krimen. Paano ako kakalma, bilang magulang, kung may mga batang nare-rape at iniiwang patay sa ilalim ng nakaparadang sasakyan? Paano ako makakatulog kung balang araw e maisip ni Sopling na cool ang sumali sa fraternity tapos isang gabi, isang madaling araw, susunduin namin siyang bugbog sarado, sa ospital, or worse, sa punerarya? Paano kung maging aktibista ang mga anak ko sa panahon na nagkaroon ng isa pang Marcos?



Mula ngayon, lagi na akong susulat. Kahit walang magbabasa, kahit walang makikinig. Dahil ako, ay ako, habang ako’y nagsusulat.

2 comments :

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you, Ming. I am so sorry na-remove ko comment mo. Nadulas ang daliri. Hindi ko alam paano ibalik. Sorry.

      Delete

Yum-ment!