OA ng pamagat! Hindi naman ito totoong pagrereklamo post. Ang tunay na reklamo, ayon sa disiplinang sinusundan ko, ay dapat may palaman na solusyon at resolusyon. Pero ito ay reklamong para lang sa ikaluluwang ng dibdib. Siguro, bago ako dumating sa last sentence, may darating na some form of powerful realization and resolve. Kung wala, ok lang din.
Konting history. Dati, kahit meron na kaming maliit na paslit, para lang kaming nagba-bahay-bahayan. Ang tagal naming nakahanap ng yaya kaya hanggang October 2011 ay dalawa lang kami ni sir sa bahay. Si Little One ay nasa bahay ng parents ko sa Quezon City (nasa Makati kami). Noong dumating si yaya, masaya. Kasi kasama na namin si Little One. Ang household count ay nagpalit from two to four. Nagbago rin ang mga requirements sa household management. Ito na ang bagong rehimen:
1. Kailangang gumawa ng weekly menu (na ico-convert sa isang palengke list) bago mag-Sabado ng umaga.
2. Kailangang mamalengke ng Sabado ng umaga.
3. Kailangang araw-araw akong magluluto.
4. Kailangang mag-grocery kada ikalawang linggo - ngayon ay nag-transition kami sa once a month
5. Kailangang laging may pang-meryenda stock sa kusina. Kasi, kung wala, paiinumin lang ni yaya sa Little One ng Chuckie. Meryenda na raw iyon.
6. Kailangang lahat ng lakad ay nakaplano. Dapat iconsider ang rest days ni yaya.
7. Hindi kasama dahil di ko naman nagagawa dahil sa work schedules: sana ay samahan si Little One at yaya sa kanyang speech/occupational therapy sessions, thrice a week.
Ang daming kailangang gawin na bumabangga sa marami pang bagay - gaya ng pagtulog. Graveyard shift ako by choice (kasi ayokong maiwang mag-isa si Little One kay yaya maghapon) and by circumstance. Ibig sabihin, ang tapos ng shift ko ng Friday ay Sabado ng umaga. Na ibig sabihin ay mula office, diretso na sa palengke para mamili ng pang-isang linggong ulam (kasama naman si sir). Ibig sabihin din, putol-putol ang tulog ko kapag weekdays dahil kailangang magluto araw-araw. Ibig ding sabihin, dahil zombie ako sa umaga, hirap akong makisabay sa normal na buhay ng mga tao sa bahay kapag Sabado at Linggo. Antok na antok ako maghapon. Kapag pumatol ako at natulog, kasabay naman nun ay guilt dahil di ako maka-quality time sa mag-ama. Or heatache kung mapagtampuhan dahil sa aking questionable presence.
Mahirap ding naaabala ang rehimen.
Takot akong tumodo ng yoga practice or exercise. Kapag kasi sinakitan ako ng katawan, or nabalian (huwag naman), hindi ako makakaluto. Last week, sumali kami sa firedrill. At dahil napakasakit ng hinayupak kong legs mula sa pagbaba ng hagdan (28/F to 3/F), hindi kami nakapamalengke noong weekend (nasa 5/F ang unit namin kaya iniluluha ko ang pagbaba/pag-akyat ng hagdan). Dahil sa firedril, de lata days kami buong linggo. Kay saklap.
Kapag mawawala sa bahay nang matagal (madalas naman ay work-related, gaya nung nag-US trip ako ng isang linggo or nag-HK trip si sir), kailangang ilikas si Little One at yaya sa bahay ng parents ko or gumawa ng isang linggong menu na painfully susundan ng kung sinong maiiwan.
Konti pa lang itong sample ng chain of events na nakasentro sa rehimen. Si sir, ay may sarili ring bitbit. Dahil day shift siya, kanya naman lahat ng pag-asikaso sa mga bills (bangko, kuryente, tubig, etc.) sa mga opisinang may tinatawag na official business hours.
Minsan, naiinggit ako sa mga pamilyang nakapisan sa bahay ng lolo at lola. Iba pa rin ang may karamay. Pero iba rin naman ang aming buhay. Di kami makasandal nang husto sa parehong partido. Minsan din, nainggit ako sa mga single-earning household. Willing naman ang isa sa amin na hindi magtrabaho para maka-focus sa bahay at kay Little One, kaso hindi kaya ng budget. Babayaran pa namin ito ng walong taon, at this year magsisimula na ring mag-aral si Little One (SPED, kaya susmaryosep, ang mahal!).
Ay buhay. Bakit kayhirap masumpungan ang simpleng buhay. Ang mga rehimen ang tamang daan papunta sa (inaakalang?) makabuluhang paghihikahos. Tapos buhol-buhol pa ang buhay sa buhay ng iba. Balang araw, marami pang daragdag na alalahanin. Anong meron sa iba na hindi ito naiisip? O dapat bang hindi iniisip at maghanda na lang ng maraming dasal para sa lahat ng surpresang darating? O dapat bang ipagdasal na umayos ang pulitika at administrasyon para maambunan ng konting ginhawa sa darating pang mga taon? Kailangan na ba talagang mangibang bansa para mas duly rewarded ang pagsusumikap? Ngi. Ayaw.
Lunes na naman. Kaya pa?
Monday, May 20, 2013
Ibagsak: Rehimen, Diktador, Pasista
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment
Yum-ment!