Nuffnang

Pages - Menu

Showing posts with label buklawin. Show all posts
Showing posts with label buklawin. Show all posts

Tuesday, May 24, 2016

Agimat Sa Public Speaking

Sabi, kapag nenenerbiyos ka, humawak ka raw ng paper clip. Sabi naman ng iba, puwede rin ang perdible. Basta kahit anong metal na bagay (huwag metal na tao, baka mamura ka). May science kung bakit ito epektib pero medyo nakaka-nosebleed. Kaya mula sa simpleng brain ko na lang ito ipapaliwanag.

Ang bawat isa sa atin ay dumadaloy na energy. Kapag kinakabahan tayo, kinakalamay ang energy natin. Parang buhawi. Fear is such a great force, aabot ang nerbyos sa manginginig ang kamay, ang boses, ang tuhod at lahat ng puwedeng manginig. Ang metal ay heat conductor. Dadaloy sa paper clip o perdible ang ragasa ng iyong nervous energy. At lalabas na may disiplina at direksyon - gaya ng kuryente na lumalabas sa power outlet. I am not kidding, at siyempre hindi ko original concept yan huh. Nabasa ko lang.

Kagabi ay meron akong major presentation sa telepono. Bukod sa likas akong nerbyosa, hindi rin nakatulong ang aking thyroid issues. Niyayanig ang pagkatao ko ng pinaghalong kaba at tremors. Dumampot ako ng paper clip, ayaw tumigil ng nginig. Dumampot ako ng metal na ballpen, ayaw pa rin. And then I saw these.... and goodness gracious, patok! Naramdaman kong literal na bumagal ang tibok ng puso ko, nawala ang hingal, nawala ang nginig sa dulo ng bawat sentence na lumalabas sa aking bibig.






































They say that a paper clip or a safety pin can help get rid of public speaking jitters. Maybe true most of the time but not for people with hyperactive thyroids. There is just so much happening in our bodies that one tiny metal object won't do. So I now have this on my desk.


At sana naman hindi na mag-escalate pa ang need ko to the point na umabot sa ganito. Wrecking Ball na lang ang uubrang pampakalma.



Martes na. Masaya ka pa ba? Just asking...

Tuesday, May 17, 2016

Seriously Now

Isang taon na mula nung masampolan ako ng bangis ng nagngangalit na thyroid. Pero hindi pa ako magaling. Mas lumalala pa ako ngayon. Hindi lang kamay ang nanginginig sa akin, pati likod, paa at boses. May mga malaking pagkakamali naman kasi ako.

January-March ang hell months namin sa trabaho. Sa mga panahong ito, ngaragan sa puyat at pagod. Nagdesisyon akong itigil ang maintenance meds ko para hindi ako babagal-bagal at aantok-antok sa trabaho. Ang hyperthyroidism meds, pababagalin ka talaga para labanan ang mabilis na heart rate, metabolism, etc., etc., etc., So, no meds ng Monday-Friday.

Kapag inuuwi namin ang mga bata sa bahay o kapag dinadalaw namin sila, hindi rin ako umiinom ng gamot. Kasi nawawalan talaga ako ng ulirat pag sumipa na ang gamot. Weekends naman ito.

Sa araw-araw na walang gamot, kulang sa tulog, at lunod sa kape at usok, napapaisip din ako talaga na syet, buti buhay pa ako. Sabi nga ng duktor, "bakit ka tumigil maggamot at magpatingin, gusto mong tumirik ka na lang bigla?"

Ayaw po. Ayaw po talaga.

So this week, kariran na ito. Repeater na kung repeater sa treatment. Ang importante buhay, at sana, mabubuhay pa nang matagal.

Saturday, November 21, 2015

Stormed

Katatapos lang ng isang thyroid storm episode. Ilang buwan na rin naman akong clinically diagnosed for hyperthyroidism kaya hindi na ito bago. Manghihina ka. Makakatulog, mapapahiga nang walang kalaban-laban  --- dito ko naitindihan yung sinasabi ng mas matatanda na "para kang nauupos na kandila." Mabilis ang tibok ng puso, halos umaalog ang buong katawan. Mahirap huminga. Yung episode kanina lang, nagsimula sa hindi makahinga bago ang panghihina. Medyo wild ito, wala akong mahugot na hangin.

Katatapos lang din ng bulyawan at public humiliation session dito sa bahay. Ako raw ang may kasalanan kaya ako nagkakaganito kasi kung kelan dapat natutulog ang tao ay gising ako. Saka yung oras ng pahinga, ang inaatupag ko ay kape at yosi at tambay mag-isa. Problema raw akong nanay. At ayan, hindi makaluto ng pananghalian kasi puyat!

Minsan nakakapagod na ipaalala sa lahat na labinlimang taon na akong GY (graveyard schedule). Ang tulog ko ay kapag pasikat na ang araw. Noong medyo bata pa ako, kaya ko pa mag-hunyango ng body clock. Ibato ako sa umaga, ok, gabi ang tulog. Hindi ko na kaya iyan mula pa noong una akong nanganak pero sinusubukan. Tatlong araw na akong naghahanda/nagluluto ng almusal, tanghalian, meryenda at hapunan. Unang araw ko pa lang sumablay at mukhang hindi valid reason ang thyroid storm.

Minsan gusto ko rin itanong sa mga nagrereklamo kung kahit minsan sinamahan ba nila ako sa mga gabi o bukang liwayway buhay na buhay ako? Wala kasi akong maalala. Tulog sila kapag gising ako. Gising ako kapag tulog sila. Puwede bang iwan na lang sa ganyan at huwag na tayong maghanapan? Napapagod na ako magpaliwanag. Pagod na pagod na pagod na ako.

When will these storms ever end?

Thursday, November 12, 2015

Watcha gonna do with all that blood, all that blood inside your lab

Sa tuwing kukunan ako ng dugo, tumutugtog sa isip ko ang My Humps. Iba nga lang ang lyrics, My Blood. "Watcha gonna do with all that blood, all that blood inside your lab?" Bakit naman kasi ang dami daming dugo na kailangan para sa isang simpleng analysis. Diba parang asin lang yan dapat? Kahit gaano karami ang tikman mo - isang kurot o isang dakot - maalat! Sabagay, di naman ako dalubhasa. Napapansin ko lang naman kasi mula nung nagwarla ang thyroid ko, every two months ako sinisipsipan ng dugo.

Chinese ang doktora ko sa thyroid. Kaya siguro hindi siya kuntento sa lab results na hindi six decimal places ang isinuka ng laboratoryo. Sabi niya, "ano ang ibig sabihin ng less than 0.0005? dito mo sa Nuclear Medicine ng Makati Med ipagawa para mas sigurado tayo." Astig talaga si doktora. Maganda na, bespren na ng mga may thyroid problems at diabetics, best in Math pa. Mahal ko siya kaya lang talagang for our relationship to work, dapat sinasabuhay ko ang "love is patient and kind." Tatlo hanggang apat na oras lagi ang inaantay ko tuwing magpapatingin ako sa kanya.

Buti na lang, may HMO benefit kami sa work. Hindi ako ang nagbayad ng PHP 3,510.00! Hindi rin ako ang nagbabayad kay doktora. Huwag lang sana ako lumagpas sa quota this year and the years to come.