Hindi attractive sa akin ang pangingibang bansa. Ayoko, basta ayoko. Kaya lang, may mga pangyayari na talaga namang nakakagalit, nakakainis at nakakapanlumo. Gusto mong mag-rebolusyon at magalsa-balutan. Eh kaso, ano namang magagawa mo?
Si TLO ay pinaganak na may cleft palate. Ang tawag sa atin, bingot. Pero yung kanya, hindi umabot sa labas ng bibig. Wala lang siyang ngala-ngala. Kapag ngumanga siya, kita agad ang butas ng ilong. Walang bubong, nakalimutang ilagay ng Diyos. Masyado yata kasing busy nung araw na iyon sa langit. O kaya, masyadong malikot si TLO. Hindi tuloy natapos.
Anyway, surgery daw ang solution. So sa edad na 9 months (dapat daw kasi masara ang butas bago siya mag-one year old), sabak si TLO sa operating table. Tapos, common daw na mapupunit ang tahi ng sastre (surgeon) kasi lumalaki ang bata. So sa edad na 14 months, opera ulit.
Habang nagkaka-edad si TLO, nanganganak ng mga problema itong dalawang operasyon na ito. Nakikipaghabulan kami sa mga solusyon.
1. Speech Delay
2. Squatter na mga ngipin. Tumutubo kung saan-saan.
3. Trauma sa kahit anong proseso na may kinalaman sa invasion ng bibig - therefore, ayaw ni TLO sa toothbrush.
Kung wala kami sa Pilipinas, hindi sana naging problema ang mga ito. Kasi, maraming standard na mga proseso na hindi pa uso rito sa atin. Kagaya ng:
1. Walang speech pathologist sa team of doctors na gumawa ng operation. May surgeon, anesthesiologist at pediatrician. Pero walang nakabantay sa magiging impact ng operation sa speech development.
2. Walang orthodontist at pedia dentist sa team. Tuloy, walang nakabantay sa magiging impact nung tahi nang tahi at gupit nang gupit na surgeon. Oo nga naman, gumupit ka ng bagang, ginamit mong pantapal sa butas. O, e di nalito ang mga ngipin.
Kuwento rin ng isang mahusay na speech therapist na matagal nag-practice sa Canada, doon daw, hindi inooperahan nang maaga ang mga batang may cleft. Ginagawan lang ng paraan na matakpan ang butas sa ngalangala para makakain at makainom ng maayos ang mga bata. Ang ginagamit ay plugs (minsan daw, tootsie roll). Ang operation ay ginagawa at the age of 7 or later in life pa - para walang epekto sa process of familiarization with the oral structures and sound production ng mga bagets. To top it all, reimbursable and/or subsidized ang lahat ng medical expenses ---- including speech therapy sessions!!!
Again, ano namang magagawa ng mga parents na nasa bansang gaya ng atin?
Tiis tiis, gasto gastos. Sa lahat ng frustration at financial tragedies, ang mas nakakadurog ng puso ay iyong pinagdadaanan ng bata.
Kaya anak, sorry sa Pilipinas ka pinanganak. Igagapang nating ayusin lahat ng kayang ayusin. Konting tiis pa.