Nuffnang

Pages - Menu

Saturday, November 28, 2015

A Second Chance – A Very Very Personal Reflection Essay

Walang bago sa kuwento. Sa totoo, marami pa ngang kulang. Ganoon naman talaga kung pinilit isaksak ang isang uniberso ng katotohanan at karanasan sa isang maiksing pelikula. Lalo pa kung ang paksa ay buhay mag-asawa. Narinig na natin ito lahat. Yung tumatabang na tamis ng maraming una. Unang hawak ng kamay, unang yakap, unang halik, unang pagniniig. Pagkatapos ng una, merong pangalawa, pangatlo, pang-apat, pang-lima. At habang tumatagal, kumukupas, naluluma.

Walang bago sa pinagdaanan ni Popoy at Basya. Mas kumplikado pa nga ang kuwento ng ilang kakilala kung tutuusin. Pero ito kasi, itatali ka sa harap ng isang malaking screen, tapos madilim, tapos ihaharap sa iyo ang mga pira-piraso ng kuwento – puwedeng sa iyo, puwedeng sa kaibigan mo, puwedeng sa nanay at tatay mo. Ibabad ka sa totoo at hindi ka isasampay. Uuwi kang mahalagihay, gusot na gusot ang utak, maligalig ang puso.

Napakaraming heterosexual males in a relationship na makakaray sa loob ng sinehan these days for sure. Sa ayaw nila at sa gusto, manonood sila ng A Second Chance. Ang karamihan ay magpapaubaya. May ilang magiting na tatanggi at babawi na lang ng regalo o himas na may bulong na “mahal naman kita kahit hindi natin pinanood si John Lloyd at Bea.” Kailangang matutuhan ito ng lahat ng lalake. Ituturo ko ito sa anak ko balang araw (kung gusto niya ng babae). Kapag inaaya kang manood ng romantic-saksak puso film ng karelasyon mo, hindi lang kilig ang hinahanap niya. Gusto niyang ikuwento sa iyo ang mga bagay na hindi niya kinukuwento. Wala kasing may gusto sa babaeng parang barker. Kung umiiyak siya, gusto niyang itanong mo kung bakit. Gusto niyang mag-usap kayo, gamit ang mga metapora ng karakter at daloy ng kuwento. Huwag kang tanga, anak. Kung gusto lang niyang manood ng pelikula, puwede niya gawin iyon mag-isa. Hindi lang niya gustong manood, gusto niyang mapanood. Isasabay niya ang panonood sa iyo habang pinanonood mo siya. Pero kung sabihin niyang, manood tayo at sumulat ng film review at mag-focus tayo sa cinematography, lighting, set design at kung anu-ano pang teknikal na aspeto ng isang pelikulang puno ng puso, then fine. Pero try mo pa ring sumisid ng tanong, anak. Minsan pakipot lang kami.

“Iiyak na naman ba si Bea?”

Tanong yan ng asawa ko kaninang pinuwersa ko siyang manood. Para kasing walang pagod si Bea at John Lloyd sa iyakan. Puwede na raw sigurong masolusyunan ang paparating na tagtuyot sa dami ng nanood, manonood at tutungayaw ng iyak kasabay nila. Ay mahal ko, kulang pa yon. Kulang na kulang.

Brilyo ang mga pangarap nila Popoy at Basya. Magtatayo sila ng construction firm. Si Popoy ang Engineer. Si Basya ang Architect. Magtatayo sila ng mga bahay na hindi gumuguho. Calamity-proof. Parang ang kanilang relasyon. Magpapagawa sila ng dream home nila sa Tagaytay. Tapos magkakaroon sila ng anak. Maraming anak. And they will live and love happily, ever after.

Ito ang mga hindi nila pinangarap. Malulugi ang negosyo, makukunan si Basya, magkakalamat ang relasyon sa tindi ng mga pagsubok na darating.

Kami rin, nangarap. Ikakasal kami, titira sa #17 Strawberry Drive sa Antipolo (nung mas uso pa ang Antipolo sa Tagaytay), pagkatapos ng dalawang taong pamamasyal at pagbibinyag sa bawat sulok at bubong ng bahay, magkakaroon kami ng dalawang anak. Ako ang susulat ng mga kuwentong pambata para sa kanila. Ako na rin ang illustrator. Lagi akong magluluto, mabango at malinis ang bahay.

Well. Nabuntis ako. Sa huwes kami kinasal. Sa maliit na condo unit kami nakatira. Nagkaroon kami ng anak, special needs child. Nagkaroon pa ng isa, may problema sa balat at ayaw kumain. Akala niya yata mabubuhay siya ng matiwasay na gatas lang ang iniinom habambuhay. Ubos na ubos ang oras namin sa trabaho. Para kaming dorm mates. Pero hindi puwedeng hindi magtrabaho sa dami ng bayarin.

Para rin kaming si Popoy at Basya. Pilit sinisiksik sa isang kapirasong espasyo na tinatawag naming “bahay.” Umaasa na ilang taon na lang, darating din ang lahat ng pinapangarap. Hindi nga lang kami nagbabasag ng pinggan kasi makalat. Sinong maglilinis ng mga bubog? Ang nakaisip magbasag, siya ang magwalis. Dapat may ganyang sign sa bahay. Hindi rin kami nagsisigawan kasi hindi pa kami marunong mag-away. Balang araw siguro, pero not soon. Maaligasgas at malamlam ang ilaw sa mga eksena sa bahay nila Popoy at Basya, kabaligtaran ng linaw at liwanag ng mga kuha noong araw ng kanilang kasal.

Humihingi ng tawad si Popoy kay Basya kasi nawala niya raw yung lalaking pinakasalan ni Basya. Hinahanap ko rin lagi yung young adult na walang tigil ang pagsulat at pagtetext sa akin. Nawala na iyon. Naging responsableng asawa at tatay. Sabi nga ng isang kaibigan, you fell in love with a boy and now that boy is a man and you have to deal with it.

Responsibilidad. Bayarin. Kinabukasan. Mga higanteng salita na dumudurog sa lahat ng taong sumusubok bumuo ng pamilya. Hindi mabili ni Basya ang magandang baso kasi mahal. Pinigilan niya ang sarili niya pero tinuloy niya rin. Kasi may nakita siyang kaklase. At pinakyaw ng kaklase ang lahat ng pangarap niya. O e di bilhin ang lahat ng mahal. Ang hindi mabago sa buhay, daanin sa bagong bed sheet, kurtina, baso at pinggan. Hindi yan uubra sa amin. Lahat ng aming pinagkakagastusan ay dumaraan sa metikulosong deliberasyon. Hindi ko na yata malilimutan kahit kailan na halos tatlong taon akong humihingi ng shower curtain pero laging request denied. Kasi hindi praktikal, gaya ng sabi nga ni Popoy. Compromise. Isa pang higanteng salita. Ang buhay mag-asawa ay isang walang hanggang kuwento ng kompromiso. Ang mga napapagod, naghihiwalay – sa ayaw at sa gusto ng batas ng Diyos, at batas ng tao.

Nakakapagod ang paulit-ulit na kumprontasyon nila Popoy at Basya. Hindi ko alam kung sinadya ito ng mga sumulat pero para sa akin, sa lahat ng elemento sa pelikula, ito ang pinakamakapangyarihang mekanismo ng reality sa A Second Chance. Nakakapagod, nakakadurog, nakakalungkot. Parang buhay ng mag-asawa. Sa huli, magkakabalikan din naman sila. Parang sa totoong buhay din. Sa gitna ng pagmukmok, may darating. Isang alaala, isang kuwento, isang litrato, isang email, isang text tapos ayus na ulit. Renewal of vows. Palakpakan! Rinse, repeat.

At iyan ang dahilan kung bakit laging umiiyak si Bea. At si John Lloyd din siyempre.

“I will honor your process of becoming.”

Nabasa ko iyan sa isang libro ng recommended wedding vows noong naghahanda kami para sa di natuloy na outdoor wedding. Payo rin yan ng isang matalik na kaibigan. Sabi niya, kahit gaano ka ka-progresibo, dapat lagi mong ipapakita, sasabihin at ipaparamdam sa asawa mo na ikaw ang head cheerleader ng cheerleading team niya (kahit ikaw lang ang miyembro). Works both ways, babae ka o lalake o kahit ano basta nasa relasyon.

Dalawang beses ko lang nakitang durog na durog si Popoy. Yung emoterong eksena na kinukuwestiyon ni Basya ang kanyang vision para sa calamity-proof design ng mga istruktura sa Pilipinas (nangilo ang ngipin ng asawa ko noong tinanong ni Popoy si Basya kung pati ba siya ay hindi naniniwala) at sa koleksyon ng mga maliliit na eksena na si Basya na ang nagpapatakbo ng negosyo at buhay nila. Matining na naipakita sa pelikula ang extra challenge sa married life. Paano mo pagsasabayin ang diskarte sa buhay na may pangko pangko kang asawa (at mga anak kung meron). Hindi ko sasagutin yan. Nanood lang naman ako at nagalingan. At napaalalahanan.

May isang eksena sa pelikula na talagang nagtulak sa akin sa balon ng luha. Yung pinakilala ni Popoy si Basya sa opisina bilang “best architect, misis ko.” Gusto ko rin iyon. Kailangan ko rin iyon. Ang maipakilalang best, kahit best in dishwashing or toilet cleaning. Iyung may post sa Facebook tungkol/para sa akin, lumalampas na ako sa langit. Alam ko na mahusay ako sa ilang bagay, pero iba pa rin ang naririnig. Dati akong Leadership Development Trainer (LDT). At sa hindi maipaliwanag na dahilan, akala nung ilang kasama sa dating trabaho ng asawa ko, nagtatrabaho ako sa LRT.

Si Basya, ang lakas ng bilib kay Popoy. Pinagtatanggol nung sinabi ng pinsan ni Popoy na ayon sa research e nalulugi na ang construction firm. Ako rin bilib na bilib sa asawa ko. I think, kung may mangahas magsabi na may grammatical lapses ang kahit anong gawa niya, makikipagbasagan talaga ako ng bungo.

Where do we go from here?

Sabi ng ilang kakilala, dapat ito na ang last pelikula ni Popoy at Basya. Todo na raw. Hindi na malalampasan. Pero ako gusto ko pa ng dalawa. Gusto ko pa ng isang sequel kung saan may anak/mga anak na sila – mula infancy hanggang early adulthood. Tapos gusto ko ang huling sequel, matanda na sila at nagsipag-asawa na ang mga anak. Kami ng asawa ko, may dream/imagination eksena kami na nabuo 15 years ago. Nakatayo kami sa gate ng bahay. Kakaalis lang ng huling anak na nag-asawa. Tapos yayakapin niya ako mula sa likod. Tapos sasabihin niya, “o pano, tayong dalawa na lang ulit?” Tapos ako, walang pasubali sa mga kulubot at puting buhok, sasagot ng “ako na lang ulit ang baby mo.”

Umay? Yan ang overpowering ingredient ng wagas na pag-ibig. Labanan ang umay at tayong lahat na mga married people ay makakaraos din. 

2 comments :

  1. Ang ganda ganda naman ang entry na ito, Romi! I love, love it!!!! Salamat dito!

    ReplyDelete

Yum-ment!