Isang kuleksyon ng mga tula, sanaysay, at maikling kwento tungkol sa mga bagay na walang nakakaisip magtanong
Paunang Salita
Ang underwire bra ay pangunahing sanhi ng breast cancer. Iyan ang paalala ng mga lola, tiyahin, ninang, at nanay sa mga baguhan sa industriya ng pagtatago ng utong. Dahil diyan, sa tuwing may pagkakataon ay pumupuslit ang mga maydede na mag-burn the bra movement mag-isa kahit medyo huli na sa uso. Nagkalat silang mga nahihiyang Galema, mga anak ni Zuma na nakasabit ang tuwalya sa balikat habang bumibili ng pandesal. Di bale ng aalog-alog basta ligtas sa mata ng iba ang mga holen ni Eba.
Pagpalo ng edad na puwede na raw isampay ang suso sa balikat para magkuskos ng libag sa parte kung saan nakadugsong ang dede sa dibdib (urban legend yata iyon) ay gradweyt na ang mga maydede sa pagtatago ng lihim na mga holen. Masyado na silang maraming pinagdaanan para maging kimi at intindihin pa ang sasabihin ng iba. Dahil diyan, ang lahat ng gustong tumitig ay inaanyayahan sa mga ga-ubas na utong ni Lola Andeng.
But wait! May bagong hulma ng maybahay. Napapanood natin sila sa kanilang mga YouTube channel, mga mom vloggers na kaygandang panuorin. Nakikita natin sila sa mga pelikula at palabas sa telebisyon na imported. Ang mga maybahay na naka-sapatos, naka-make up, nakapang-alis, at naka-underwire bra habang naghahanda ng pananghalian.
Ano nga ba ang dress code ng mga maybahay? Ang sabi ng mga amoy alimuom na mister, dapat ay amoy pinipig si misis para ganahan sila anytime, all the time. Hindi naman yata parte ng dress code ang amoy pero pansinin na natin ang munting kontribusyon nila sa usapan, ganyang approaching erectile dysfunction na sila. Unawain na natin.
With or without bra? Naka-ponytail o nakapusod ang mahabang buhok? Sleeveless? Gaano kaiksi ang short shorts? Kailangan bang maputi ang kilikili at kuyukot?
Ang librong ito ay para sa mga maybahay at sa mga usisero at usisera nilang kaibigan at mahal sa buhay. Para rin ito sa mga nangangarap maging maybahay (kapit lang pero sure ka ba diyan?). Sige na nga aaminin ko na. Para ito sa lahat ng may biological nanay.
~November 17, 2020 | 02:15AM-03:00AM
...Itutuloy pero offline. Kung interesado kang gawing libro ang "Ang Dress Code ng Maybahay," makipag-ugnayan kay yummyliciouslady at gmail dot com.