Pages - Menu
▼
Saturday, May 28, 2016
Don't Play With Knives?
Grade 4 si Kuch noong matigil sa pag-aaral. Kagaya ng marami pa nating mga kababayan sa kanayunan, lumuwas si Kuch ng Maynila para makipag-sapalaran bago pa man siya naging binata. Kuch ang code name ko sa kanya kasi mukhang may kakaiba siyang hilig sa kutsilyo. Sa unang birada pa lang ng kuwento ni Kuch, "mapapatay ko dapat yun kung hindi lang mapurol ang kutsilyong nadampot ko."
Kagaya rin ng marami pa nating kababayan, masipag at maabilidad sa Kuch. Natuto siyang mag-butingting at naging electrician. Salamat sa Recto University, nakapag-Saudi si Kuch. Nagkaroon siya ng instant diploma at natanggap sa isang mass hiring ng mga construction workers.
Sa trabaho sa Saudi, nakabukod ang mga trabahador ayon sa bayang pinagmulan. Bawal ang mangapitbahay kung hindi kayo pareho ng nationality. Ang kaso, sabi ni Kuch, ang mga kasamahan niyang Ilokano ay napakahilig mag-uwi ng mga Pakistani sa barracks nila. Galante raw kasi sa inuman ang lahing ito kaya masarap maging bisita. Sa isang inuman session e nag-pass si Kuch. Nag-straight daw kasi siya ng trabaho ng tatlong araw kaya patang pata ang buo niyang katawan.
Habang nagkakasiyahan ang lahat, mahimbing ang tulog ni Kuch. Kaya naman gulat na gulat siya nang magising na may malaking Pakistani na nakadagan sa kanya at pilit na nilililis ang suot niyang shorts. Alam niyo na ang ibig sabihin? Sige, kung hindi pa - gustong gahasain ng malaking lalakeng Pakistani si Kuch. Nanlaban siya nang nanlaban pero sadyang malakas ang Pakistani. Sa huli, nadampot niya ang nag-iisa niyang tinidor sa ilalim ng kama. Nasaksak ni Kuch ang Pakistani nang paulit-ulit. Hindi man natuluyan, nakulong pa rin si Kuch. Inabot ng tatlong taon bago siya nakalaya. Matagal raw kasing magpadala ng abugado ang gubyerno natin.
Habang nakakulong sa Saudi, ang mag-ina ni Kutch ay pinalayas ng nanay niya. Hindi na raw kasi siya nakakapagpadala ng pera kaya kahit may tatlo silang anak na maliliit pa, tapos na rin ang pakikipanirahan ng kanyang pamilya. Sa lugar kung saan pinulot ang mag-iina, uso ang droga. Nalulong sa droga si misis at nakasumpong ng forever sa isang batikang drug pusher at user.
Kamakailan lang ay kumalat sa Facebook ang video ng isang batang nakatali sa puno habang ginugulpi ng nanay at tatay-tatayan. Ang batang iyon ay ang sampung taon na panganay na anak ni Kuch. Nakabalik na siya sa Maynila noong mangyari ito. Humingi siya ng tulong kay Tulfo.
Lunes susugod ang kampo ni Tulfo sa Pangasinan kung saan naron ang mga anak ni Kuch na lahat pala ay minamaltrato ng durugistang power couple. Hindi na kinaya ng pusong ama ni Kuch. Sinugod na niya agad ang bahay para makuha ang mga bata. Parang eksena sa pelikula ni FPJ ang nangyari. May apat na drug addict na sumugod sa kanya, initak pa siya sa ulo ng isa. Buti na lang nga, mahusay siya sa kutsilyo. Napuruhan niya rin ang lahat ng nagtangkang sumugod. Ginigilitan niya raw ng leeg yung isa, kaso mapurol (na naman!) ang kutsilyo.
Dahil nasa lugar siya ng mga adik, nakulong si Kuch at hinayaan ng mga pulis na duguan sa loob ng kulungan. Buti dumating ang mga tao ni Tulfo at pinagalitan lahat ng salbaheng pulis. Kung di raw kay Tulfo, baka patay na siya.
Sa ngayon ay masaya na kahit paano si Kutch. Nasa kanya na ang mga anak niya. Binilhan nga raw niya ng laptop kasi napakahilig magsipaglaro sa PC-han at mag-Facebook. Pero inaalala niya pa rin kung paano malilimutan ng mga anak niya ang kahayupang inabot sa nanay nila at sa kanyang live in partner. Sana raw mapatay ni Duterte.
Kahit puyat at malamig ang taxi ni Kuch, di ako nakatulog sa sharing na ginawa niya. Sana lahat ng maisakay niya ay magtiyagang makinig. Kailangan niya 'yun para gumaling.
Ang kultura ng karahasan. Sino ba talaga ang may kasalanan?
No comments :
Post a Comment
Yum-ment!