Pages - Menu

Saturday, November 21, 2015

Stormed

Katatapos lang ng isang thyroid storm episode. Ilang buwan na rin naman akong clinically diagnosed for hyperthyroidism kaya hindi na ito bago. Manghihina ka. Makakatulog, mapapahiga nang walang kalaban-laban  --- dito ko naitindihan yung sinasabi ng mas matatanda na "para kang nauupos na kandila." Mabilis ang tibok ng puso, halos umaalog ang buong katawan. Mahirap huminga. Yung episode kanina lang, nagsimula sa hindi makahinga bago ang panghihina. Medyo wild ito, wala akong mahugot na hangin.

Katatapos lang din ng bulyawan at public humiliation session dito sa bahay. Ako raw ang may kasalanan kaya ako nagkakaganito kasi kung kelan dapat natutulog ang tao ay gising ako. Saka yung oras ng pahinga, ang inaatupag ko ay kape at yosi at tambay mag-isa. Problema raw akong nanay. At ayan, hindi makaluto ng pananghalian kasi puyat!

Minsan nakakapagod na ipaalala sa lahat na labinlimang taon na akong GY (graveyard schedule). Ang tulog ko ay kapag pasikat na ang araw. Noong medyo bata pa ako, kaya ko pa mag-hunyango ng body clock. Ibato ako sa umaga, ok, gabi ang tulog. Hindi ko na kaya iyan mula pa noong una akong nanganak pero sinusubukan. Tatlong araw na akong naghahanda/nagluluto ng almusal, tanghalian, meryenda at hapunan. Unang araw ko pa lang sumablay at mukhang hindi valid reason ang thyroid storm.

Minsan gusto ko rin itanong sa mga nagrereklamo kung kahit minsan sinamahan ba nila ako sa mga gabi o bukang liwayway buhay na buhay ako? Wala kasi akong maalala. Tulog sila kapag gising ako. Gising ako kapag tulog sila. Puwede bang iwan na lang sa ganyan at huwag na tayong maghanapan? Napapagod na ako magpaliwanag. Pagod na pagod na pagod na ako.

When will these storms ever end?

No comments :

Post a Comment

Yum-ment!