Pages - Menu

Saturday, August 29, 2015

Puwede ba tayong magkita?

Puwede ba tayong magkita?
Kahit saan, basta hindi tayo magkasama na pupunta.
Hinahanap ko kasi ang kulo ng dugo.
Kapag nakikita kong papalapit ka na,
Talaga namang ang puso ko
Dumadagundong ang tibok.
Kung alam mo lang ang aking mga sikreto, tatawanan mo ako sigurado.

Mga tatlong minuto bago ang tagpuan,
Panay na ang kagat ko sa aking labi
Para magmukhang kissable ang aking lips.
Mga limang minuto bago ko dumating
Saka ko pa lang pinakakawalan ang aking nakapusod na buhok
Para maganda ang alon at hulma
Sakto sa iyong pagdating.

Puwede ba tayong magkita?
At hindi natin babanggitin ang kahit anong tungkol sa buhay mag-asawa?
Mga bayarin, mga lulutuin,
Mga bata, mga bakuna, ubo at sipon at
lagnat na pabalik-balik.
Hindi rin sasabihing magastos na tayo masyado sa bawat order ng pagkain.

Puwede ba tayong magkunwari
Na tayo'y hindi sa iisang bahay uuwi?
Nanakawan mo ako ng halik,
Pipilitin kong hindi gumanti.
Sisimplehan mo ako ng akbay at hawak sa baywang (kunwari rin maliit pa yan)
Pipigilan ko ang aking paghinga, aastang hindi ko napansin na tayo'y magkalingkis na pala, at magdarasal na sana huwag kang bumitiw.

Puwede ba?
Kahit isang araw lang at isang gabi.
Nakakapagod ang ngayon
Kahit minsan lang, kahit paminsan-minsan lang
Mamasyal tayo sa dati.
Doon sa panahong ang lahat ay walang kasiguraduhan.
Parang ngayon din, pero ikaw at ako lang.


No comments :

Post a Comment

Yum-ment!