Pages - Menu

Saturday, October 19, 2024

Day 2: Ang Dress Code ng Maybahay

Isang kuleksyon ng mga tula, sanaysay, at maikling kwento tungkol sa mga bagay na walang nakakaisip magtanong

Paunang Salita

Ang underwire bra ay pangunahing sanhi ng breast cancer. Iyan ang paalala ng mga lola, tiyahin, ninang, at nanay sa mga baguhan sa industriya ng pagtatago ng utong. Dahil diyan, sa tuwing may pagkakataon ay pumupuslit ang mga maydede na mag-burn the bra movement mag-isa kahit medyo huli na sa uso. Nagkalat silang mga nahihiyang Galema, mga anak ni Zuma na nakasabit ang tuwalya sa balikat habang bumibili ng pandesal. Di bale ng aalog-alog basta ligtas sa mata ng iba ang mga holen ni Eba. 

Pagpalo ng edad na puwede na raw isampay ang suso sa balikat para magkuskos ng libag sa parte kung saan nakadugsong ang dede sa dibdib (urban legend yata iyon) ay gradweyt na ang mga maydede sa pagtatago ng lihim na mga holen. Masyado na silang maraming pinagdaanan para maging kimi at intindihin pa ang sasabihin ng iba. Dahil diyan, ang lahat ng gustong tumitig ay inaanyayahan sa mga ga-ubas na utong ni Lola Andeng. 

But wait! May bagong hulma ng maybahay. Napapanood natin sila sa kanilang mga YouTube channel, mga mom vloggers na kaygandang panuorin. Nakikita natin sila sa mga pelikula at palabas sa telebisyon na imported. Ang mga maybahay na naka-sapatos, naka-make up, nakapang-alis, at naka-underwire bra habang naghahanda ng pananghalian. 

Ano nga ba ang dress code ng mga maybahay? Ang sabi ng mga amoy alimuom na mister, dapat ay amoy pinipig si misis para ganahan sila anytime, all the time. Hindi naman yata parte ng dress code ang amoy pero pansinin na natin ang munting kontribusyon nila sa usapan, ganyang approaching erectile dysfunction na sila. Unawain na natin.

With or without bra? Naka-ponytail o nakapusod ang mahabang buhok? Sleeveless? Gaano kaiksi ang short shorts? Kailangan bang maputi ang kilikili at kuyukot?

Ang librong ito ay para sa mga maybahay at sa mga usisero at usisera nilang kaibigan at mahal sa buhay. Para rin ito sa mga nangangarap maging maybahay (kapit lang pero sure ka ba diyan?). Sige na nga aaminin ko na. Para ito sa lahat ng may biological nanay.


~November 17, 2020 | 02:15AM-03:00AM

...Itutuloy pero offline. Kung interesado kang gawing libro ang "Ang Dress Code ng Maybahay," makipag-ugnayan kay yummyliciouslady at gmail dot com. 

Friday, October 18, 2024

Friday Classics

Fridays meant Friday Classics in my teenage years. I'm still not over it, 96.3. #MusicHeals

Congratulations, we made it!


Day 1: Bakit ko nga ba gustong magsulat?

Naka-attend ako ng webinar ni Sir Ricky Lee kahapon. Masayang masaya ako na nakatapak sa mundo na pinapangarap kong tirhan. Yung mundo ng pagbabasa, pagsusulat, pakikinig, at panonood na kapaki-pakinabang. May ilang beses na nagilid ang luha ko at nagpigil akong magtaas ng kamay at magwagayway ng puting panyo. Amen, amen, totoo po iyan! 

Siyempre, nang mahimasmasan, napatanong na naman ako sa sarili ko kung bakit ko nga ba gustong magsulat. Sa totoo, meron akong nakahandang sagot na pira-piraso lang ng mas marami pang mga dahilan (I hope). Hindi lang ako satisfied sa sagot ko kaya ayokong lubayan ang pagtatanong. Makasarili kasi ang mga dahilan. Heto na. 

Una, ang pagsusulat ay sixth sense para sa akin. O kung pang-ilan man yan. Kapag may naiisip ako o nararamdaman, mas gusto kong magsulat kaysa magkuwento. Sixth sense, tama ba?

Pangalawa, marami akong gustong ikuwento pero mahina akong bumangka sa kuwentuhan. Siguro dahil likas akong mahiyain, hindi ako likas na mahusay na public speaker kahit tatlong tao lang ang kausap ko. Nabo-bore ako sa sarili ko at napapansin kong wala ring napupulot ang mga kausap ko sa kahit anong kinukuwento ko (iba kapag sa trabaho siyempre, pursigido ang lahat na marinig at umuuwing talunan ang mahina ang boses). Pero kapag tahimik ang paligid, at ang kuwento ko ay nakasulat, naririnig ako. Dinirinig ako. Wala akong hiya, wala akong kiyeme, matangkad akong nagkukuwento na parang isandaang pulutong ng mga alitaptap. Walang naiinip. 

Pangatlo. Marami rin akong pinaniniwalaan at kasama sa mga gusto kong ikuwento ang mga opinyon ko at paghihimay ng mga bagay-bagay. Siyempre paminsan minsan ay gusto ko ring magmagaling lalo kapag sigurado naman akong may baon akong husay.

At iyan ang mga self-serving na dahilan kung bakit gusto kong magsulat. Kung may self-serving ay meron ding in the service of Earthlings --- hindi lang mga Pinoy - -- ang dahilan. 

Pero sa susunod na lang iyan. Iiyak pa ako, mahaba pa ang gabi.

~November 16, 2020 | 12:48AM-01:25AM