Pages - Menu

Wednesday, August 24, 2016

Mga Naisip Dahil Sa Pokemon GO


Hindi ako nakikisali sa kaguluhang ito kasi, bilang may addictive personality ako, natatakot akong masira ang buhay ko sa kakahanap ng pokémon. Pero natutuwa talaga akong panoorin ang mga kaganapang dulot ng malupit na app na ito.

For example, nakakaaliw ang di maikakailang age difference ng mga players base sa kung paano nila tinatawag ang mga pocket monsters. Kapag nasa early 20's, sasabihin niyan, "ayoko na ng Rattata ang dami ko na niyan." Pero pag kaedaran ko, "puro na lang daga, gusto ko yung alimango naman." Kabisado ng mga bagets ang pangalan ng mga halimaw. Hindi naman papatalo ang henerasyon namin sa pagkilala ng mga hayop. Aba, sosyal pa yata ang Manila Zoo nung bata pa kami. Nakita namin lahat yan dun.

Masdan ding mabuti ang gigil ng mga daliri kapag hinahagisan ng bola ang mga cute na nilalang. Yung mga bata, soft and swift movements lang ng hinlalaki huli na nila yan. Yung mga tiyuhin at tiyahin gaya nami, halos madurog ng hintuturo ang screen ng telepono bago maka-jackpot. Wagas na wagas yung pag-target, kala mo nananalakab ng hito sa bukid. Sasabayan pa ng "ayan, ayan, huli na!" Sanay kasing magpasabog ng kalabang tangke sa Battle City. Hayaan niyo na.

Pero iniisip ko maigi, kumportable ba ang mga tao na bukas lagi yung location services ng telepono nila? That's a scary thought for me. Imagine, paano kung may gustong pumatay sa iyo? Eh di ang bilis bilis malaman kung saan pupuwesto ang mga sniper (or worse, kung san ilalaglag ang bomba). Bibilhin lang nila ang impormasyon mo sa makers ng laro, ayus na ang buto-buto ng hired killers mo. Paano kung may isang drug pusher convention sa isang Poké Stop tapos ang maitim na balak ng gubyerno eh pasasabugin silang lahat. Tapos nandun ka dahil ang massive media campaign e lalabas dun si Pikachu? Bokot.

Sabagay, baka nega lang ako. Wala naman yatang napatay sa Takeshi's Castle. Siguro naman hindi yan gagawin ng mga brains and bigwigs behind the game.

Dun na lang siguro tayo sa mga positibong puwedeng mangyari. Puwedeng gawing reward ang mga makulay na hayup na yan for noble things. Gusto mo ng Pikachu? Magpa-HIV test ka. Bibigyan ka pa ng lima kapag binalikan mo ang results. O kaya, kapag nagbayad ng tama at makatarungang buwis si Henry Sy, gagawing isang higanteng Trainer Gym ang SM MOA. Puwede na silang sumingil ng entrance fee at WiFi access fee pag nagkataon. Maliit na bagay kumpara sa malaking buwis na kapalit diba?

Eto pa. Job Fair, gagawing Poké Stop. Mga opisina, retention plan. Pabahain ng pokemon sa opisina to the point na puwede nang mag-compete internationally ang mga empleyado.

Of course, of course, sa lahat ng ito, yung mga nakaimbento pa rin ang yumayaman. E ganun talaga. Sila ang nakaisip e. Kaya dapat mag-isip din tayo. Ako gusto ko kunin yung technology nila pero sa halip na pokemon ang huhulihin e mga taong gumagawa ng mga masamang bagay na hindi punishable by law ang nahuhuli tapos ang picture diretso sa isang public website. Dumudura sa daan? Huli ka! Nagpapahid ng kulangot sa dingding ng banyo? Huli ka! Sumisingit sa pila? Chuk! Gotta catch em all. Kasi sa maliit naman nagsisimula ang lahat ng malalaking bagay e. Tagpasin na yang mga pagdahak-dahak na yan bago pa maging chemist ng shabu ang mga turistang tinutukoy ko.

At hoy, kayong mga players, iligpit niyo naman mga sarili niyo. Pokemon dapat ang pakalat-kalat at hinuhuli, hindi kayo.